MANILA, Philippines — Naaresto sa entrapment operation sa San Fernando, Pampanga ang isang senior officer ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos umanong manghingi ng hanggang P500,000 kapalit ng katiyakang makakapasok sa ahensya ang isang aplikante.
Sinabi ni BFP spokesperson Fire Superintendent Anthony Arroyo sa isang pahayag, na nagsimula ang operasyon matapos magsumbong ang isang aplikanteng nilapitan umano online ng opisyal na nagpakilalang maaaring maging “backer” nito sa recruitment.
Batay sa reklamo, P500,000 umano ang unang hinihingi ng suspek ngunit bumaba sa P300,000 nang magkita sila sa San Fernando.
Nakipag-ugnayan ang aplikante sa Police Regional Office 3-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na nagsagawa ng entrapment operation.
“Nung nagkaabutan na ay nahuli na po on the act ang isang BFP officer,” ayon kay Arroyo sa panayam ng ABS-CBN News.
Nasa kustodiya na umano ng CIDG Region 3 ang opisyal at isasailalim sa inquest proceedings. Hindi pinangalanan sa ulat ang suspek.
Ayon kay Arroyo, ikalawang entrapment operation na ito ngayong nagpapatuloy ang recruitment ng BFP. Ang naunang operasyon ay isinagawa sa Region 1 noong Agosto 6.
Sinabi ng opisyal na mahigit 20,000 aplikante ang nag-aagawan sa 2,504 posisyon sa BFP ngayong taon, dahilan upang samantalahin umano ng ilang indibidwal ang matinding kompetisyon para sa limitadong slots.
Sa Central Luzon lamang, opisyal na nag-anunsyo ang BFP Region 3 ng 172 bakanteng Fire Officer 1 positions ngayong recruitment cycle.
Patuloy namang binabalaan ng BFP ang mga aplikante laban sa mga fixer at sinumang nangangakong makapagbibigay ng siguradong recruitment slot kapalit ng pera.
Hinikayat din ang mga aplikante na agad ireport sa awtoridad ang anumang tangkang paghingi ng pera kapalit ng pagpasok sa BFP. Santi Celario