MANILA, Philippines — Umaabot sa P24.4 bilyong halaga ng bigas ang nasasayang sa Pilipinas kada taon dahil sa tirang kanin na itinatapon, ayon sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Sa datos na inilabas ng Department of Agriculture (DA), tinatayang nasa dalawang kutsarang kanin kada araw ang nasasayang ng bawat Pilipino. Kapag pinagsama-sama, katumbas ito ng humigit-kumulang 10.85 milyong sako ng bigas kada taon.
Ayon sa DA, sapat sana ang naturang dami upang mapakain ang tinatayang 5.17 milyong Pilipino sa loob ng isang taon.
Dahil dito, pinalalakas ng DA at PhilRice ang Be RICEponsible campaign, na humihikayat sa publiko na kumuha lamang ng kaning kayang ubusin, suportahan ang lokal na bigas at pumili ng mas masustansyang rice products.
“Increasing production and reducing postharvest losses are critical to strengthening our rice supply, but these efforts will not be enough if we continue to waste what we already have on our plates,” ayon kay Agriculture Undersecretary for Rice Industry Development Christopher Morales.
Hinikayat din ng DA ang mga mamimili na tangkilikin ang locally produced rice, kabilang ang PhilGAP-certified products, gayundin ang brown, pigmented, low-glycemic index at high-zinc rice.
Itinutulak din ng kampanya ang muling pagpapatupad ng Half-Cup Rice Ordinance sa mga kalahok na lugar upang mahikayat ang mga restaurant na mag-alok ng mas maliit na serving at mabawasan ang pagkaing natatapon.
“Riceponsibility starts with something as simple as taking only what we can finish,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. Santi Celario