SOUTH KOREA — Pinagmulta ang dalawang pastor matapos silang mapatunayang nagdulot ng kaguluhan sa isang domestic flight dahil sa malakas na pangangaral at hindi pagsunod sa paulit-ulit na saway ng cabin crew.
Ayon sa ulat ng The Korea Herald, pinagmulta ng Seoul Southern District Court ang dalawang pastor, edad 64 at 68, ng tig-US$723 kaugnay ng insidente sa flight mula Jeju patungong Gimpo noong Marso 12.
Batay sa desisyon ng korte noong Agosto 18, tumayo umano sa aisle ang 64-anyos na pastor at nangaral sa mga pasahero kahit ilang beses na siyang pinatitigil ng mga flight attendant.
Sumali rin umano ang isa pang pastor at naglakad sa aisle habang sumisigaw ng “Hallelujah” at nagbababala sa mga pasahero tungkol sa impiyerno.
Tumagal umano nang humigit-kumulang 13 minuto ang insidente sa kabila ng mga reklamo at pagsaway mula sa crew at mga pasahero.
Itinanggi ng dalawang pastor sa paglilitis na maituturing na “disturbance” sa ilalim ng Aviation Security Act ang kanilang ginawa at iginiit na wala silang intensyong manggulo.
Hindi ito tinanggap ng korte, na nagsabing napatunayan sa ebidensya ang kanilang disruptive conduct at intensyon.
Sa ilalim ng South Korea Aviation Security Act, ipinagbabawal sa mga pasahero ang verbal abuse, malakas na pagsigaw at iba pang kilos na maaaring makagambala sa ligtas na operasyon at biyahe ng isang aircraft. Inaatasan din ang mga pasahero na sumunod sa lehitimong utos ng crew kaugnay ng seguridad at operasyon ng eroplano. Dave Medina