Home HOME BANNER STORY Ombudsman, pinai-inhibit Sandiganbayan sa kaso ni Bong Revilla

Ombudsman, pinai-inhibit Sandiganbayan sa kaso ni Bong Revilla

2
0

MANILA, Philippines — Hiniling ng Office of the Ombudsman na mag-inhibit si Sandiganbayan Associate Justice Ronald Moreno sa pagdinig ng malversation case laban kay dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa 69-pahinang motion na inihain ng Office of the Special Prosecutor, iginiit ng prosekusyon na nagkaroon umano ng mga pagkakataon sa bail hearings na ang mga pahayag at pagtatanong ni Moreno sa kanilang mga testigo ay maaaring magbigay ng impresyon ng pagkiling.

Partikular na kinuwestiyon ng Ombudsman prosecutors ang naging pagtrato umano ni Moreno kina state witnesses Henry Alcantara at dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo.

Ayon sa prosekusyon, hindi nila kinukuwestiyon ang integridad, kakayahan o good faith ni Moreno, ngunit iginiit nilang mahalaga ring walang makatwirang pagdududa sa pagiging patas ng isang hukom habang nililitis ang kaso.

Si Moreno ay isa sa dalawang mahistrado ng Sandiganbayan Third Division na bumoto pabor sa pagbibigay ng piyansa kay Revilla. Sa 2-1 ruling, pinayagan ang dating senador na makapaglagak ng P1 milyong bail matapos sabihin ng mayorya na hindi sapat ang ipinakitang ebidensya ng prosekusyon sa bail proceedings upang direktang maiugnay siya sa proyekto.

Nahaharap si Revilla at iba pang akusado sa malversation case kaugnay ng umano’y ilegal na paglabas ng P76.9 milyon para sa P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan. Itinatanggi ni Revilla ang mga paratang laban sa kanya.

Nasa Sandiganbayan na ngayon ang pagpapasya kung pagbibigyan ang mosyon ng Ombudsman at aalis si Moreno sa pagdinig ng kaso. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here