NAGLAKBAY ang ULTIMATUN sa ilang lugar sa Central Luzon upang bisitahin ang mga magsasaka.
Marami pala sa kanila ang muling nagtatanim ng palay makaraang sirain ng tatlong linggo baha ang mga ito.
Kaya doble gastos sila sa paghahahanda ng lupa, punla at pagtatanim.
Hindi man nila babasagin ang lupa dahil malambot na ito, kailangan nilang pantayin at malaking gastos ito sa pag-upa ng mga makina at operatot para rito.
Kakaunti na lang ang gumagamit ng mga kalabaw kaya magastos sa diesel at sahod sa operator ang pagsasaka.
May nagdi-direct planting o naghahagis ng mga butil sa linya-linyang inukit na lupa ngunit trabaho rin ito na kailangan may sasahuran.
Subalit dahil mas maganda ang ani mula sa transplanting, kinailangan nilang magtanim ng punla na bubunutin saka itatanim at may gastos pa rin dito.
Ang isang mahalaga umano, ayon sa mga magsasaka, binibili na ang mga punla nang mahal at hindi katulad noong unang panahon na pupwede silang mag-alaga ng kanilang mga ani na gagamitin muli ang mga butil para ipunla at itanim.
DARATNAN NG EL NINO
Sinamantala ng mga magsasaka ang mga baha at pag-ulan upang hindi na sila magpatubig mula sa mga magastos na generator na kumukuha o sumisipsip ng tubig mula sa ilalim ng lupa, ilog at sapa o mga lugar na may ipong tubig.
Ngunit habang muling nagtatanim sila ngayon, inaaalala na rin nila ang darating na El Nino.
Super El Nino ang darating magsimula sa Oktubre at magtuloy-tuloy ito hanggang Enero-Pebrero 2027.
Dahil umaabot ng nasa apat na buwan ang palay bago anihin, inaasahan na nilang maaaring matamaan ng El Nino ang mga palayan at kakapusin ng tubig para hindi lumago at magkaroon ng marami at malulusog na bunga ang mga palay.
Kung ganoon, kung nangungutang ang marami ngayon bilang puhunan sa muling pagsasaka, malamang umanong mangungutang muli sila para sa diesel at operator ng mga generator na magpapatubig.
Isama pa sa gastos, mga Bro, ang nadobleng paggamit ng abono sa pasanin ng mga magsasaka.
WALANG KATIYAKAN PA RIN
Bagaman naghahalo ang pananalasa ng mga bagyo, low pressure area at habagat sa nakaraan at humupa sa linggong ito, wala pa ring katiyakan na ganap nang titigil ang mga ito, lalo na ang pagdating ng bagyo at LPA sa mga dararating na araw at buwan.
Yun bang === tiyak na magkakaroon ng 2-3 bagyo ang mga buwan ng Setyembre at Oktubre, ayon sa PAGASA, na kalakasan ng paglaki ng mga palay na itinatanim ngayon.
Kaya naririyan ang pangamba ng muling pagkalugi kung dadaluhungin muli ng mga baha at malalakas na hampas ng hanging ang kanilang mga itinatanim ngayon.
TULONG NG PAMAHALAAN
Anila, dapat maging aktibo ang pamahalaan sa pagbabantay at pag-ayuda sa kanila sa mga oras ng kagipitan.
Lalo na kung iisipin na hindi lang naman ang walang katiyakang pagtatanim ang kanilang pinagkakagastusan.
May mga nagpapaaral ng mga anak, may nagkakasakit na kailangang maospital at mabilhan ng gamot, at kabilang sa mga pinakamahalaga at hindi maiwasan na pagkagastusan: Ang pagkain at sapilitang bayarin sa tubig inumin at kuryente.
Nasaan nga ang mga agarang sapat na ayuda ng pamahalaan sa mga magsasaka na nakararanas ng gutom, paghihirap at gutom?






