INANUNSYO ng gobyerno na 30 lugar sa buong Metro Manila ang gagawing mga catchment ng tubig-ulan na may lalim na halos 10 metro. Ito ang nakikitang solusyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. upang malunasan na ang malawak na pagbaha sa Kalakhang Maynila.
Ito rin ang sinasabi ni BBM na “ipakokolekta” niya o ipaiipon ang tubig-baha para magamit sa agrikultura at iba pang layunin. Sa katunayan, inatasan ni BBM ang WRMO (Water Resources Management Office) na lumikha ng plano upang masimulan ito. Seryoso talaga siya sa nasabing proyekto.
Sa Metro Manila lamang, bilyon-bilyong pondo ang inilaan sa Department of Public Works and Highways para sa mga proyektong pagkontrol sa baha, ngunit lumulubog pa rin kahit sa kaunting pag-ulan. Kasi’y ninakaw ng mga opisyal ang pondo at kanilang isinugal sa casino.
Hindi sa “isang pitik” matatapos ang mga underground catchment dahil mangangailangan ito ng detalyadong plano bago mapaglaanan ng pondo para sa proyekto sa ilalim ng pambansang badyet para sa 2027. Hindi mura ang proyekto at tiyak na matatagalan itong makumpleto.
Ang ikinababahala natin, baka sa “isang pitik” ay maglaho o malusaw na naman ang ilalagay ditong pondo ng Marcos’ administration.
Nangyari na ito sa mga nakalipas na taon. Nagbiyak-biyak ang mga pambansa at lokal na politiko sa bilyon-bilyong flood control funds at inilagay sa mga maleta para ariing mga sarili nilang pera.
Kaya nga mga “ngising demonyo” na naman sila nang ianunsyo na naipasa na ni BBM sa Kongreso para aprubahan ang panukalang P7.2 trillion ($118.1 billion) budget para sa 2027. Mas mataas ito nang 6% sa badyet ngayong taon. Kakapusin ang kanilang mga bulsa, kaya magdasal tayo na hindi ito “masyut” na naman sa kanilang mga maleta.
Aba’y magsisimula na sa susunod na taon ang mga politiko sa kanilang pagpapapogi para sa halalang 2028 at siguradong kakandidatong muli ang mga hindi pa nakukulong na dawit sa flood control scandal.
Baka ang mangyari n’yan, ang pondo ay ipamahagi uli sa kanila “bilang bonus” at ang mas malaking bulto ay gamitin para tuluyang pabagsakin ang kanilang kaisa-isang kaaway
Kung ganyan, hindi dapat tumigil ang ating galit sa mga mandarambong na politiko hanggang sa 2028. At kung kinakailangan, maging isang tila tsunami ang ating himagsik na magwawasiwas sa mga basurang politiko at sa mga basura nilang serbisyo sa gobyerno.






