MATATANDAAN ba ninyo na sa pagsisimula ng paglilitis sa impeachment ni Vice Presideng Sara Duterte, idineklara ni Presiding Officer Chiz Escudero na kailangan ang 16 boto para ma-convict o madeklarang siyang guilty.
Ibinatay ni Escudero ang kanyang paniniwala sa tadhana ng Konstitusyon, Article XI, Section 3(6) na “Walang sinoman ang mahatulang nagkasala maliban sa pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Miyembro ng Senado.”
Sa kwenta, 16 boto ng mga senador ang katumbas ng “dalawang-katlo ng lahat ng mga Miyembro ng Senado.”
Ngayon naman, habang nagtatagal ang paglilitis, nagsimula nang palutangin ng prosekusyon na posibleng mabago ito bago darating ang araw ng paghuhukom o paghahatol.
Kung ano-ano ang kanilang mga gagawin, hindi pa malinaw.
Ngunit nariyan ang pagkilos na bawasan nang bawasan ang bilang ng mga senador, sa tulong ng ilang senador na rin para, at least, hindi makadalo sa mga pagdinig at sa huli, sasabihin nilang walang karapatan ang mga ito na bumoto sa araw ng paghuhukom.
Kaya may kinasuhan at/o pinakulong nang mga senador at sinusubukan pa nilang madagdagan ang bilang ng mga ito sa bisa ng ibang mga kaso gaya ng nangyayari kina Senador-Judge Loren Legarda, Bong Go, Robin Padilla at iba pa hanggang sa magkaroon na rin ng conviction kahit man lang sa Sandiganbayan o mailipad at makulong sa International Criminal Court.
Maaaring may mga presyur din gaya ng napababalitang nangyari kina Escudero at Joel Villanueva na bumaligtad at sumapi na sa mayorya at inaasahang boboto para sa conviction.
Sa ibang salita, gumagana ang dagdag-bawas patungo sa pagdedeklarang guilty si VP Sara sa harap ng pagiging mahirap na madaliing baguhin ang nasabi nang tadhana ng Konstitusyon sa botong 16.
Bakit kaya takot na takot sila kay VP Sara na inaasahang maging Pangulo simula sa 2028?






