CEBU CITY, Philippines — Natukoy ng pulisya ang isang 14-anyos na babae na umano’y nasa likod ng online shooting threat laban sa San Miguel National High School sa San Remigio, Cebu.
Base sa ulat, unang lumabas noong Agosto 21 ang banta mula sa isang poser Facebook account na nag-post umano ng mga larawan ng baril at patalim at nagbantang mamamaril sa paaralan.
Dahil dito, nagdagdag ng police visibility ang San Remigio Municipal Police Station sa paligid ng paaralan upang matiyak ang seguridad ng mga estudyante, guro at school personnel habang iniimbestigahan ang insidente.
Sa koordinasyon ng paaralan at iba pang ahensya, natukoy ng mga awtoridad ang menor de edad at kalaunan ay inilipat sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Isasailalim siya sa counseling, social services at iba pang intervention kasama ang kanyang mga magulang o guardian at school authorities.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang batang edad 15 pababa na sangkot sa isang umano’y paglabag sa batas ay exempt sa criminal liability ngunit maaaring isailalim sa intervention program. Inaatasan din ng batas ang mga awtoridad na protektahan ang privacy at pagkakakilanlan ng menor de edad.
Hinikayat naman ng pulisya ang publiko na huwag ikalat ang screenshots ng banta o anumang detalye na maaaring makakilala sa bata at magdulot ng dagdag na alarma.
Pinayuhan din ang mga magulang at guardian na bantayan ang online activities ng kanilang mga anak at ipaalala sa kanila na huwag gumawa, magbahagi o magpalaganap ng anumang banta o mapanganib na content sa social media. Mary Anne Sapico