Home NATIONWIDE 13,709 indibidwal pasok sa TUPAD — DOLE

13,709 indibidwal pasok sa TUPAD — DOLE

1
0
Bilang paghahanda sa darating na pasukan ay naglinis at nag-ayos ng mga sirang upuan ang TUPAD-Malabon sa mga silid-aralan sa Malabon National High school. EDGAR RABULAN

MANILA, Philippines — Umabot sa 13,709 indibidwal ang kasalukuyang naka-profile bilang benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD), ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns Director Leilani Reynoso na kabilang sa datos ang mga manggagawang na-deploy sa Brigada Eskwela at mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.

Nakikipagtulungan din ang TUPAD sa iba’t ibang ahensya para sa pansamantalang trabaho, kabilang ang Department of Education para sa Brigada Eskwela, Department of Social Welfare and Development sa pagre-repack ng relief goods at pagtulong sa Kadiwa ng Pangulo, at Department of Environment and Natural Resources para sa tree-planting activities.

Binigyang-diin ni Reynoso na ang TUPAD ay cash-for-work program at hindi ayuda.

Ang mga benepisyaryo ay binabayaran batay sa umiiral na minimum wage sa kanilang lugar at sa bilang ng araw na kanilang ipinagtrabaho. Sa kasalukuyang programa, maaaring tumagal nang 10 hanggang 90 araw ang pansamantalang trabaho depende sa uri ng gawaing isasagawa. Kinukumpirma rin ito ng opisyal na guidelines ng DOLE.

Nagbibigay din ang DOLE ng personal protective equipment gaya ng boots at gloves, gayundin ng iba pang proteksiyong kailangan para sa trabahong maaaring may occupational hazards.

Maaaring makinabang sa TUPAD ang mga kabilang sa vulnerable sector at mga manggagawang naapektuhan ng kalamidad. Pinapayuhan silang makipag-ugnayan sa Public Employment Service Office (PESO) ng kanilang lungsod o munisipalidad para sa profiling at iba pang detalye ng programa.

Inamyendahan din ng DOLE ngayong 2026 ang TUPAD guidelines upang maiugnay ang mga benepisyaryo sa skills training at iba pang employment opportunities matapos ang kanilang pansamantalang trabaho. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here