MANILA, Philippines – Sinira ng Bureau of Customs (BOC) Port of Subic ang tatlong 40-foot container na naglalaman ng tinatayang 3,000 kaha ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱129.065 milyon.
Isinagawa ang pagkondena at pagsira sa mga kontrabandong kargamento mula Hulyo 28 hanggang Agosto 3, 2026 sa Legaxy 88 Recyclable Materials Collection Services sa Santa Maria, Bulacan, na accredited disposal facility ng BOC Port of Subic.
Sa proseso ng disposal, isinailalim sa shredding at pyrolysis ang mga sigarilyong idineklarang abandoned upang matiyak na hindi na magagamit o maibebenta pa.
Bilang bahagi ng transparency drive, ini-livestream ng Port of Subic ang aktibidad sa kanilang opisyal na YouTube channel upang masaksihan ng publiko ang proseso ng pagsira sa mga nakumpiskang produkto.
Ang tatlong container ay bahagi ng kabuuang 10 container ng mga abandonadong sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng ₱413 milyon.
Sa ngayon, tatlo pa lamang sa mga container ang tuluyang nasira, habang nagpapatuloy ang condemnation at disposal process para sa natitirang pitong container.
Ayon sa BOC Port of Subic, isinasagawa ang lahat ng disposal activities sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang komite at accredited disposal facilities upang matiyak na maayos na naitatala, nagagawang hindi na mapakinabangan at naaayon sa batas ang pagtatapon sa mga kontrabando. JAY Reyes