Home NATIONWIDE 43 insidente ng paglabag sa gun ban iniulat sa BARMM

43 insidente ng paglabag sa gun ban iniulat sa BARMM

1
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 43 ang insidente na may kaugnayan sa baril ang iniulat sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula nang ipatupad ang gun ban noong Hulyo 16 para sa makasaysayang parliamentary elections sa susunod na buwan.

Sinabi ni Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), na ang bilang ay sumasaklaw sa mga insidente na naitala noong Martes.

Naitala ng Maguindanao del Sur ang pinakamataas na bilang ng insidente ng pamamaril sa 16, na sinundan ng Maguindanao del Norte na may 14, pito sa Lanao del Sur, apat sa Basilan at dalawa sa Cotabato City.

Nitong Martes, binaril ang isang solar panel installer sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, habang binaril din ang isang lalaki sa harap ng kanyang nasindak na asawa sa Barangay Kalanganan 2 sa Cotabato City ilang oras na nakalipas.

Sa kaparehong araw, nasugatan ang isang tanod sa barangay matapos siyang pagbabarilin ng kanyang kuya kasunod ng mainitang pagtatalo sa Datu Paglas, Maguindanao del Sur, ayon kay Maj. Guissepe Tamayo, tagapagsalita ng pulisya ng Maguindanao del Sur.

Sinabi ni Salanguit na ang mga insidente ng pamamaril ay dahil sa personal na sama ng loob, ‘rido’ (family feud), paghihiganti, o mga aktibidad na may kinalaman sa droga. Ang mga insidente na may kaugnayan sa baril ay nag-iwan ng 14 na tao ang namatay at walo ang nasugatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here