MANILA, Philippines — Binigyan ng Senate impeachment court hanggang Setyembre 2 ang mga bangko at financial institutions upang isumite ang hinihinging peso-denominated financial records ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at 20 entities na may kaugnayan sa mag-asawa.
Inaprubahan ni impeachment court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero nitong Miyerkules, Agosto 26, ang supplemental request ng prosecution para sa pagpapalabas ng mga subpoena.
Inatasan ang mga institusyon na isumite ang mga kinakailangang dokumento sa Clerk of Court sa loob ng pitong calendar days.
Nilinaw ni Escudero na peso-denominated accounts lamang ang saklaw ng kautusan. Hindi kasama ang foreign currency deposits maliban kung may nakasulat na pahintulot mula sa depositor.
Kapareho ng mga limitasyong itinakda sa naunang ruling ng impeachment court noong Hulyo 20 ang ipatutupad sa bagong batch ng subpoenas.
Samantala, inilagay sa record ng defense panel na pinamumunuan ni Atty. Sheila Sison na nakalaan sa kampo ni Duterte ang karapatang maghain ng kaukulang objections at gumamit ng mga legal remedy kaugnay ng subpoenaed records.
Bukod sa financial records, pinagbigyan din ng impeachment court ang kahilingan ng prosecution na ipatawag si Philippine Statistics Authority official Marissa Grande para sa pagdinig sa Setyembre 2.
Pinahintulutan din ang magkabilang panig na maghanda at magmarka ng karagdagang documentary exhibits bago ang pagpapatuloy ng presentasyon ng ebidensiya.
Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Setyembre 1, kung kailan inaasahang ihaharap ng prosecution bilang mga testigo sina Lt. Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio.