Home HOME BANNER STORY Ama ng AdZU shooter, security personnel kinasuhan ng PNP

Ama ng AdZU shooter, security personnel kinasuhan ng PNP

1
0

MANILA, Philippines — Nagsampa na ang Philippine National Police (PNP) ng reklamong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Physical Injury laban sa rehistradong may-ari ng mga baril na ginamit sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University at isang school security personnel.

Ito ay kasunod ng pagtatapos ng imbestigasyon ng PNP sa insidente noong Agosto 18 na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang menor de edad na namaril.

Ayon sa PNP, sinuri sa imbestigasyon ang mga salaysay ng mga saksi, security footage, school records, digital evidence at iba pang pisikal na ebidensiya.

Wala umanong nakitang ebidensiya ang mga imbestigador na bahagi ng isang sabwatan o may ibang grupo, organisasyon o indibidwal na sangkot sa pamamaril.

Wala rin umanong natukoy na school-related o personal na alitan na sapat upang maipaliwanag ang insidente.

Gayunman, sinabi ng PNP na may mga indikasyon ng paghahanda bago ang pamamaril at exposure sa mararahas na online content.

Natukoy rin sa imbestigasyon ang umano’y pagkukulang sa maayos na pag-iingat ng mga baril na nagbigay-daan sa unauthorized access, gayundin ang ilang kakulangan sa seguridad ng paaralan.

Nauna nang natukoy na ama ng estudyanteng namaril ang may-ari ng firearm na ginamit sa insidente at isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC).

Kasunod ng pamamaril, iniutos ng BOC ang relief at preventive suspension sa opisyal habang iniimbestigahan ang pangyayari. Nagpatupad din ang ahensya ng mas mahigpit na accounting at inspection ng mga baril na nasa pangangalaga ng mga tauhan nito.

Sinabi ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na susundin ng pulisya ang ebidensiya at due process habang ang kaukulang legal na proseso ang magpapasya sa pananagutan ng mga sangkot. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here