MANILA, Philippines — Humihingi ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P83.84 bilyon para sa locally funded flood mitigation projects sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, kasabay ng pagtitiyak ni Secretary Vince Dizon na walang nakapaloob na tinatawag na “leadership fund.”
Iniharap ng DPWH ang panukala sa budget hearing ng House Committee on Appropriations nitong Miyerkules, Agosto 26, kung saan nasa P643.95 bilyon ang kabuuang proposed budget ng ahensya para sa 2027. Kinumpirma rin ng Kamara na P83.84 bilyon dito ang nakalaan para sa local flood mitigation programs.
Ayon kay Dizon, mas mahigpit na ang requirements bago maisama ang isang flood mitigation project sa National Expenditure Program (NEP).
Kabilang dito ang approved at kumpletong program of work, validated geotagged photos na may coordinates, master plan o feasibility study, at certificate of implementability upang matiyak na walang duplicate na proyekto at walang problemang gaya ng hindi pa nareresolbang right-of-way.
“Ang projects namin dito ay based on need,” ani Dizon, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi maaaring maisama sa budget ang proyektong kulang sa kinakailangang dokumento.
Sinabi rin niya na hindi na tatanggapin ang dating praktis na coordinates lamang mula sa Google Maps ang ginagamit sa project planning. Sa bagong sistema, kailangang aktuwal na pumunta sa lugar ang mga project, district at planning engineers at kumuha ng geotagged photos.
Nakatuon din umano ang DPWH sa pagkumpleto ng mga naiwang flood mitigation projects, bagaman sinabi ni Dizon na nagiging komplikado ito kapag ang proyekto ay sakop ng imbestigasyon ng Ombudsman, Department of Justice o Commission on Audit.
Para sa 2026, walang inilaan para sa locally funded flood control projects kasunod ng mga kontrobersiya sa pagpapatupad ng ilang proyekto. Ngayong 2027, ibinabalik ang pondo kasabay ng mas mahigpit na project evaluation.
Ayon sa House of Representatives, pinalitan na rin ng DPWH ang dating parametric formula sa paglalaan ng budget ng isang Project Evaluation System na dadaan sa mas mahigpit na technical at documentary review.
Iginiit naman ni Dizon na mas angkop nang tawaging “flood mitigation” o “flood management” ang mga naturang proyekto dahil hindi umano ganap na makokontrol ang pagbaha. Dave Medina