Home NATIONWIDE Pinas, mga Pinoy ‘di dapat madehado sa Pax Silica deals — Malacañang

Pinas, mga Pinoy ‘di dapat madehado sa Pax Silica deals — Malacañang

1
0

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na hindi papasok ang gobyerno sa anumang transaksyon sa ilalim ng Pax Silica initiative na maglalagay sa Pilipinas o mga Pilipino sa dehadong posisyon.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangang makinabang ang bansa sa mga papasok na investment nang hindi isinasakripisyo ang kapakanan at karapatan ng mga Pilipino.

“Hindi maaaring gumawa ng anumang transaksyon na ang Pilipinas o mga Pilipino ang siyang madedehado,” ani Castro nitong Miyerkules.

“Kailangan po natin na magkaroon ng mga investments pero hindi nangangahulugan na ang ating mga kapwa Pilipino ang magdurusa,” dagdag niya.

Ayon kay Castro, hindi rin dapat lumabag sa mga umiiral na batas o karapatan ng mga Pilipino ang anumang kasunduan na bubuuin kaugnay ng Pax Silica.

Nauna nang tiniyak ng Malacañang na isasaalang-alang sa proyekto ang national interest, environmental protection at kapakanan ng mga komunidad kasunod ng mga pangamba hinggil sa posibleng epekto nito sa mga residente at likas na yaman.

Nauna ring sinabi ni Marcos na itinuturing niyang “good deal” ang Pax Silica kung makatutulong ito sa pagpasok ng investments, paglikha ng trabaho at paglago ng ekonomiya. Binigyang-diin niya na bukas ang Pilipinas sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang bansa basta kapwa makikinabang ang mga partido.

Sumali ang Pilipinas sa US-led Pax Silica initiative noong Abril 2026, na nakatuon sa pagpapatatag ng supply chains para sa critical minerals, advanced manufacturing, semiconductors, artificial intelligence infrastructure at iba pang teknolohiyang mahalaga sa AI sector.

Bahagi ng plano ang pagtatayo ng isang malaking industrial hub sa Luzon Economic Corridor na inaasahang makaaakit ng high-technology manufacturing at iba pang investments.

Patuloy pa ang konsultasyon at pagbuo ng mga detalye ng proyekto, at sinabi na rin ng Malacañang na maaari pang baguhin ang ilang probisyon upang matiyak na mas kapaki-pakinabang ito sa bansa at sa mga maaapektuhang komunidad. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here