MANILA, Philippines — Muling isinusulong ni Sen. Camille Villar ang panukalang Safe Online Spaces Act na naglalayong magpatupad ng mas mahigpit na safeguards sa social media, gaming at iba pang digital platforms para maprotektahan ang mga kabataan.
Ginawa ni Villar ang panawagan sa gitna ng mga nagdaang insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante at lumalaking usapin hinggil sa exposure ng mga menor de edad sa harmful at violent online content.
“Hindi dapat pumapasok sa paaralan ang ating mga anak na nangangamba kung makakauwi pa ba sila nang ligtas. Ang paaralan ay dapat manatiling lugar ng pagkatuto, hindi lugar ng takot,” ani Villar.
Gayunman, sinabi niyang hindi lamang sa loob ng paaralan dapat nakatuon ang proteksyon sa mga bata dahil bahagi na rin ng kanilang araw-araw na buhay ang social media at iba pang digital spaces.
Sa Senate Bill No. 1729 o Safe Online Spaces Act, isinusulong ang responsableng paggamit ng mobile applications at digital platforms at mga mekanismong magbibigay ng mas ligtas na online environment sa mga gumagamit.
Inihain ni Villar ang SBN 1729 noong Enero 28, 2026. Nakabinbin ito sa Senate Committee on Science and Technology.
Kabilang din si Villar sa mga senador na may mga panukalang isinama sa Senate Bill No. 2424 o proposed Child Online Safety and Protection Act, na inendorso na ng Senate Committee on Public Information and Mass Media sa plenaryo.
Sa panukala, itinatakda sa 16-anyos ang minimum age para magkaroon ng social media account at inaatasan ang social media companies na magkaroon ng age-assurance mechanisms at iba pang safeguards para sa mga menor de edad.
Kasabay ng online safeguards, nanawagan din si Villar para sa mas mahigpit na seguridad at emergency preparedness sa mga paaralan, mas madaling access sa mental health at guidance services, agarang interbensyon laban sa bullying at violent behavior, at mas mahigpit na pag-iingat upang hindi madaling magkaroon ng access ang mga menor de edad sa baril at iba pang armas.
Binanggit ng senador ang mga nagdaang insidente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18 at ang June 22 shooting sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante.
“Bilang isang ina at mambabatas, patuloy akong magsusulong ng mga hakbang upang protektahan ang ating mga anak saan man sila naroroon—offline man o online,” ani Villar.
Binigyang-diin niya na kailangang sabay na tugunan ang physical safety sa mga paaralan, mental health at behavioral concerns ng mga kabataan, at mga panganib na maaari nilang makaharap sa digital environment. RNT