MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagpapalabas ng P10,000 cash gift para sa mga kuwalipikadong senior citizen sa ilalim ng Expanded Centenarians Act kasunod ng mga reklamo hinggil sa pagkaantala ng benepisyo.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakarating na sa Pangulo ang reklamo ng ilang senior citizen laban sa National Commission of Senior Citizens (NCSC).
“Kailangan po talaga maibigay kung ano ang benepisyo na dapat ibigay sa ating mga elderly, lalung-lalo na iyong mga senior citizens dahil iyan naman po ay talagang kailangang maipaabot sa kanila nang mas mabilis,” ani Castro.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11982 o Expanded Centenarians Act, makatatanggap ng P10,000 cash gift ang mga Pilipinong umabot sa edad na 80, 85, 90 at 95, nakatira man sa Pilipinas o abroad.
Ang mga umabot naman sa edad na 100 ay entitled sa P100,000 cash gift at liham ng pagbati mula sa Pangulo.
Nauna rito, walong senior citizen mula Barangay Marilag sa Quezon City, na nasa edad 80 hanggang 85, ang naghain noong Agosto 24 ng reklamo sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) laban sa NCSC dahil sa umano’y matagal na paghihintay sa kanilang P10,000 cash gift.
Ayon sa Malacañang, inendorso ng ARTA ang reklamo sa Committee on Anti-Red Tape ng NCSC noong Agosto 25.
Nakatakda naman sa Agosto 28 ang clarificatory meeting sa pagitan ng ARTA, NCSC, mga concerned local government unit at mga senior citizen na naghain ng reklamo.
Tiniyak ni Castro na nais ng administrasyon na maresolba agad ang usapin.
“Hindi po kinakailangan patagalin ang mga tulong na dapat naman pong maibigay nang mas mabilis na paraan,” aniya. Kris Jose