Home NATIONWIDE P4.4-B emergency loan alok ng GSIS sa hagip ng Habagat

P4.4-B emergency loan alok ng GSIS sa hagip ng Habagat

1
0

MANILA, Philippines — Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng halos P4.4 bilyong emergency loan para sa 166,789 government workers at pensioners sa siyam na lugar sa Luzon na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at Habagat.

Ayon sa GSIS, maaaring mag-apply sa programa ang mga kuwalipikadong active members gayundin ang old-age at disability pensioners sa mga lugar na sakop ng emergency loan facility.

Pinakamahaba ang application period sa Cavite at Rodriguez, Rizal, kung saan maaaring magsumite ng aplikasyon hanggang Nobyembre 12 at Nobyembre 16, ayon sa pagkakasunod.

Hanggang Setyembre 13 naman maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong miyembro at pensioner sa Pampanga, Calumpit sa Bulacan, at Mangaldan at Dagupan City sa Pangasinan.

Sa Sta. Barbara, Pangasinan, bukas ang aplikasyon hanggang Setyembre 18, habang hanggang Setyembre 20 naman sa Hagonoy, Bulacan at Masinloc, Zambales.

Ang mga kuwalipikadong borrower na walang kasalukuyang emergency loan ay maaaring makahiram ng hanggang P20,000.

Samantala, ang mga may outstanding balance sa dating emergency loan ay maaaring umutang ng hanggang P40,000, alinsunod sa umiiral na polisiya ng GSIS.

Babayaran ang loan sa loob ng 36 pantay na buwanang hulog na may 6 porsiyentong annual interest at sakop ng loan redemption insurance.

Maaaring magsumite ng aplikasyon gamit ang GSIS Touch mobile app. Kapag naaprubahan, direktang ikakarga ang loan proceeds sa GSIS eCard o UMID card ng borrower.

Patuloy na pinalalawak ng GSIS ang emergency loan coverage sa mga lugar na idinedeklara ng mga lokal na pamahalaan na nasa state of calamity. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here