Home HOME BANNER STORY 160 patay, daan-daan nawawala sa matinding baha sa Nepal-China border

160 patay, daan-daan nawawala sa matinding baha sa Nepal-China border

3
0

KATHMANDU — Umakyat na sa hindi bababa sa 160 ang nasawi habang daan-daan pa ang nawawala matapos ang mapaminsalang flash flood na tumama sa border ng Nepal at Tibet, China.

Sa pinakahuling tala, 157 bangkay na ang narekober sa Nepal, ayon sa Nepal police, habang tatlo naman ang kumpirmadong nasawi sa Tibet. Patuloy ang search and rescue operations at inaasahang maaari pang tumaas ang death toll.

Mahigit 400 katao ang iniulat na nawawala sa Nepal, kabilang ang daan-daang foreign tourists at pilgrims na nasa rehiyon nang tumama ang sakuna. Sa Tibet, iniulat din ng mga awtoridad na 265 katao ang nawawala sa Gyirong matapos tamaan ng mudslide ang border area.

Malawak ang pinsala sa Rasuwa, Nuwakot at iba pang lugar sa Nepal matapos tangayin ng rumaragasang tubig, putik at malalaking bato ang mga bahay, kalsada, tulay at hydropower facilities.

Batay sa paunang assessment ng Nepal disaster authorities at pagsusuri sa satellite imagery, isang ice-rock avalanche o pagguho ng bahagi ng glacier malapit sa Nepal-China border ang posibleng nagpasimula ng malaking bugso ng tubig at debris sa Lhende River patungo sa Bhotekoshi river system.

Sinabi ng mga eksperto na makikita sa satellite images ang pagbagsak ng malaking bahagi ng glacier mula sa mataas na bahagi ng bundok patungo sa lambak.

Nauna ring isinasaalang-alang ng mga opisyal sa Nepal kung may kaugnayan ang naitalang seismic activity bago ang sakuna, ngunit patuloy pang sinusuri ang eksaktong trigger ng glacier collapse at pagbaha.

Ayon sa Office of the Prime Minister ng Nepal, pinaigting na ng gobyerno ang rescue, search at relief operations habang patuloy na kinakalap ang kabuuang bilang ng mga nasawi, nawawala at lawak ng pinsala.

Nahihirapan naman ang rescue teams na marating ang ilang lugar dahil sa mga nasirang kalsada at tulay, pagkawala ng komunikasyon at patuloy na mataas na lebel ng tubig.

Nagbabala rin ang mga awtoridad sa posibilidad ng karagdagang panganib habang patuloy na mino-monitor ang mga ilog at unstable areas sa Himalayas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here