MANILA, Philippines — Inilipat ng La Salle Green Hills (LSGH) sa online synchronous classes ang mga klase mula Preschool hanggang Grade 12 ngayong Huwebes, Agosto 27, bilang pag-iingat matapos makatanggap ng “security concern” nitong Miyerkules ng gabi.
Sakop ng hakbang ang International Baccalaureate at Alternative Education programs ng paaralan.
Ayon sa LSGH, natukoy na ang pinagmulan ng security concern ngunit dahil gabi na nang matanggap ito, hindi na umano sapat ang oras upang makumpleto ang kinakailangang safety protocols at on-site investigation bago magsimula ang klase ngayong umaga.
Binigyang-diin ng administrasyon na isinagawa ang hakbang upang matiyak ang kaligtasan at kapanatagan ng mga estudyante, personnel at buong school community, lalo na kasunod ng mga insidente sa mga paaralan na naiulat nitong mga nakaraang araw.
“Our top priority will always be the protection and peace of mind of our children and school family,” pahayag ng paaralan.
Mananatili namang online asynchronous ang mga klase sa Biyernes, Agosto 28, alinsunod sa dati nang nakatakdang class arrangement.
Patuloy din ang presensya ng Mandaluyong Police sa lugar habang isinasagawa ang mga kinakailangang security measures. Dave Medina