BACOLOD CITY — Isang vlogger at apat na iba pa ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Bacolod City na nagresulta sa pagkakasabat ng kabuuang P748,000 halaga ng hinihinalang shabu nitong Martes, Agosto 25.
Sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency-Negros Island Region (PDEA-NIR) sa Barangay 10, naaresto ang 35-anyos na vlogger na kinilala lamang sa alyas na “Joselito” at ang 32-anyos niyang kasamahan na alyas “Christian.”
Ayon sa PDEA-NIR, nakumpiska sa dalawa ang 13 sachet na naglalaman ng tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000, gayundin ang isang improvised tooter at iba pang kagamitan.
Nahaharap ang dalawa sa mga reklamong paglabag sa Sections 5, 11 at 12 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa panayam na iniulat ng Manila Bulletin, itinanggi naman ng vlogger ang alegasyon at sinabing hindi sila sangkot ng kanyang kasama sa ilegal na droga.
Sa hiwalay na operasyon sa Zone 1, Barangay Handumanan, tatlo pang lalaki ang inaresto ng Bacolod City Police Office-City Drug Enforcement Unit.
Kinilala sila ng pulisya sa mga alyas na “Noy,” 34, na itinuring na high-value individual, “Mel,” 31, at “Bal,” 32.
Nasamsam umano sa operasyon ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P408,000 ang halaga, kasama ang 22 sachet at P1,000 buy-bust money.
Nakumpiska rin ang apat na homemade firearms—isang .45-caliber at tatlong .38-caliber—kasama ang mga bala at magazine.
Ayon sa Police Regional Office-Negros Island Region, nahaharap ang tatlo sa mga reklamong may kaugnayan sa RA 9165 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang limang naaresto habang inihahanda ang kaukulang mga reklamo laban sa kanila. Santi Celario