Home NATIONWIDE Panukalang proteksyon sa mga manggagawa lalo tuwing masamang panahon, umusad na sa...

Panukalang proteksyon sa mga manggagawa lalo tuwing masamang panahon, umusad na sa Kamara

1
0

MANILA, Philippines – Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng mga Kinatawan ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang Occupational Safety and Health (OSH) framework sa bansa, partikular ang proteksyon ng mga manggagawa laban sa climate-related risks at mabibigat na kapabayaan ng mga employer.

Inisponsor ni House Committee on Labor and Employment Chairperson at Cavite Representative Ramon Jolo B. Revilla III ang House Bill No. 10559 sa ilalim ng Committee Report No. 552 nitong Martes.

Binigyang-diin ni Revilla sa kanyang talumpati na hindi dapat maging kapalit ng kabuhayan o trabaho ang kalusugan at buhay ng isang manggagawa.

“Hindi dapat maging kapalit ng kabuhayan ang kalusugan. Hindi dapat maging kapalit ng trabaho ang buhay,” pahayag ni Revilla.

Paliwanag ng mambabatas, kailangang umangkop ang mga batas sa kaligtasan sa pagbabago ng panahon at mga bagong panganib sa manggagawa gaya ng matinding init, unpredictable weather, at iba pang epekto ng climate change, lalo na sa mga outdoor workers.

Ipinunto rin ni Revilla ang pagkakaiba ng simpleng aksidente sa mga trahedyang dulot ng sadyang pagwawalang-bahala sa safety standards. Aniya, kailangang mapanagot ang mga employer na pilit na binabalewala ang mga umiiral na alituntunin at kakulangan sa protective equipment na nagiging sanhi ng malubhang pinsala o pagkamatay ng empleyado.

Nilinaw naman ng kongresista na hindi nito layuning parusahan ang simpleng pagkakamali, kundi patawan ng mas mabigat na parusa ang willful o grossly negligent violations.

Sa ilalim ng HB 10559, isasama ang climate-adaptive measures sa mga OSH program ng mga kumpanya, papatawan ng mas mabibigat na multa ang mga lalabag, at palalakasin ang research mandate ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagtukoy ng mga bagong occupational hazards.

Nanawagan si Revilla sa kanyang mga kasamahan na madaliin ang pagpasa ng panukala upang matiyak na ligtas na makakauwi ang bawat manggagawang Pilipino sa kanilang pamilya pagkatapos ng trabaho. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here