MANILA, Philippines — Nais ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bigyan ng awtoridad ang Philippine National Police (PNP) na mag-inspeksyon sa mga bahay ng mga may-ari ng baril upang masuri kung maayos at ligtas ang pagkakatago ng kanilang mga legal na armas.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, nais nilang amyendahan ang implementing rules and regulations (IRR) upang pahintulutan ang PNP na tingnan ang paraan ng pag-iingat ng mga baril na legal na pagmamay-ari.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa panukalang budget ng DILG, tinanong ni Akbayan Party-list Rep. Dadah Ismula si Remulla kung may planong baguhin ang mga patakaran sa paghawak at pag-iingat ng mga government-issued firearms.
Sinabi ni Remulla na mahalagang higpitan ang pagbabantay sa mga baril dahil may humigit-kumulang 800,000 uniformed personnel sa bansa. Aniya, dalawang magkahiwalay na insidente sa Zamboanga at Tacloban ang kinasangkutan ng mga menor de edad na nakagamit ng government-issued firearms, na nagresulta sa pagkamatay.
“What we are proposing is that the IRR has to be amended that all lawfully issued firearms are to be… The PNP will be granted access to all homes of lawfully issued firearms to inspect their procedures in safekeeping,” ani Remulla.
Binigyang-diin niya na responsibilidad ng mga uniformed personnel na tiyaking ligtas at maayos na nakatago ang kanilang mga baril sa lahat ng oras.
Aminado si Remulla na maaaring umani ng pagtutol ang panukala dahil maaari itong ituring na paglabag sa karapatan sa privacy. Gayunman, sinabi niyang ang pagmamay-ari ng baril ay isang pribilehiyo at hindi karapatang nakasaad sa Konstitusyon.
“This might upset a few people because… it might be interpreted as impeachment of rights. However, we must remember that the privilege to own a gun is not enshrined in our constitution,” dagdag niya.
Saklaw ng Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ang pagmamay-ari, possession, pagdadala, paggawa at pag-aangkat ng mga baril at bala.
Kasunod ito ng mga insidente ng pamamaril sa Tacloban at Zamboanga kung saan ginamit ang mga baril na pag-aari ng mga kamag-anak ng mga suspek.
Ayon sa PNP, ang baril na ginamit sa Tacloban school shooting ay pag-aari ng isang policewoman na tiyahin ng isa sa mga shooter. Sa isang Senate probe, sinabi ng policewoman na pinasok ng kanyang pamangkin ang kanyang bahay at kinuha ang kanyang baril.
Samantala, ang baril na ginamit sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University ay pag-aari ng ama ng shooter, na isang personnel ng Bureau of Customs.
Sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na iniwan ng ama ang kanyang mga baril sa sasakyan na ginamit sa paghahatid sa kanyang anak sa paaralan.
Nauna na ring hinimok ni Remulla ang Kongreso na ipawalang-bisa ang Republic Act No. 8294, na tinawag niyang “Robin Padilla law,” dahil ibinaba nito ang parusa sa illegal possession of firearms at ginawa itong bailable offense. RNT/MDS