MANILA, Philippines – Hindi ang paggamit ng mga alyas ang ugat ng kontrobersiya sa confidential funds ng Office of the Vice President kundi ang maling paggasta at kawalan ng audit trail sa pondo ng bayan, ayon kay House prosecution panel Spokesperson Lanao del Sur Rep Zia Alonto Adiong.
Ang pahayag ay ginawa ni Alonto Adiong bilang tugon sa naging pahayag ni Senator-Judge Robin Padilla sa gitna ng paglilitis ng impeachment kung saan ikinumpara nito ang mga kuwestiyonableng pangalan sa acknowledgment receipts (ARs) sa mga alyas na ginamit ng mga bayaning Pilipino noong panahon ng Kastila upang protektahan ang kanilang mga sarili.
“I think those national heroes whose aliases were referenced would probably be rolling in their graves after their nom de guerre were mentioned in the same context as the allegation of misuse of confidential funds,” pahayag ni Alonto Adiong.
Binigyang-diin ni Alonto Adiong na ang tunay na isyu ay ang pananagutan sa paggasta ng pondo na kinakailangang busisiin ng Commission on Audit (COA), sa kabila ng paggamit ng mga sensitibong impormasyon. Aniya, maaaring protektahan ang tunay na pagkakakilanlan ng mga nag-rereceive ng confidenrtial funds nang hindi lumalabag sa mandato ng COA.
“This is an auditing problem,” ani Alonto Adiong. “No amount of confidential activity can ever weaken the constitutional mandate of the Commission on Audit in finding out what happened to the money of the people.” dagdag pa nito.
Dagdag pa ng mambabatas , na ang isyung ito ay hindi tungkol sa nasyonalismo kundi isang problema sa audit na kinakaharap ngayon ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) noong panahong pinamumunuan pa ito ni Duterte.
Iginiit naman ni Deputy Speaker Paolo Ortega ang malaking pagkakaiba ng mga rebolusyonaryo noon at sa kasalukuyang isyu ng pondo.
“Yung mga bayani po natin, yung ating mga hero, e nagkaroon po at gumamit po at binansagan po ng mga ganitong pangalan dahil pinaglalaban po nila yung bansa,” ani Ortega..
Ayon naman kay Deputy Speaker Janette Garin, bagamat katanggap-tanggap ang paggamit ng alyas para sa mga lehitimong impormante sa sensitibong operasyon, hindi nito binubura ang obligasyon na patunayan ang tunay na patutunguhan at resulta ng pondo.
“Ang tanong: saan ba ginamit?” ani Garin. “Kapag alias ang output, kung alias ang isang programa, isa lang ang ibig sabihin doon, ghost ang naging paggastos ng confidential fund.”pagtatapos pa ni Garin. Gail Mendoza