TACLOBAN CITY, Philippines — Hindi bababa sa 16 online threats laban sa mga paaralan ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa Eastern Visayas mula nang mangyari ang pamamaril sa San Jose National High School noong Hunyo 22.
Sa insidente sa Tacloban, tatlong estudyante ang namatay at 20 iba pa ang nasugatan. Dahil sa mga sumunod na banta, ilang paaralan ang nagsuspinde ng klase bilang pag-iingat.
Ayon kay Lt. Col. Analiza Armeza, tagapagsalita ng Police Regional Office-Eastern Visayas (PRO-8), patuloy na iniimbestigahan ang lahat ng 16 na insidente at hindi muna ibinunyag ang mga paaralang nakatanggap ng mga banta.
Sa 16 na insidente, 10 umano ang natukoy na suspek at lahat ay menor de edad. Anim naman ang hindi pa nakikilala.
Apat sa mga natukoy na suspek ang kinasuhan kaugnay ng mga bomb threat sa ilalim ng Presidential Decree 1727, na nagpaparusa sa pagpapakalat ng maling impormasyon o banta tungkol sa bomba at iba pang pampasabog.
Ang apat na menor de edad ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng kani-kanilang local social welfare and development offices bilang mga batang nasasangkot sa paglabag sa batas.
Kasunod ng pamamaril sa Tacloban at isa pang insidente sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18, mas pinaigting ng PNP ang seguridad sa mga paaralan sa Eastern Visayas.
Ayon kay Armeza, nasa 4,520 police personnel ang ipinakalat sa 4,018 pampublikong paaralan at 193 pribadong paaralan sa rehiyon.
Sinabi niyang bahagi na ngayon ng regular na tungkulin ng mga pulis ang kanilang deployment sa mga paaralan upang mapalakas ang police visibility at makatulong na maiwasan ang mga banta at karahasan.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang mga bagong ulat ng banta habang sinusuri at hinihigpitan ng mga paaralan ang kanilang mga security protocol. RNT/MDS