MANILA, Philippines – Palalakasin ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang maintenance protocols ng mga tren ng LRT-1 matapos magkaroon ng water leak sa isang railway carriage.
Ayon sa LRMC, natukoy ng kanilang maintenance team na ang problema ay dulot ng sirang drain line valve ng air-conditioning unit (ACU). Nasira umano ito nang hindi inaasahan kahit inaasahang tatagal pa ito ng 3 hanggang 5 taon.
Pinalitan na ang sirang valve at sumasailalim ang tren sa masusing safety at maintenance checks upang matiyak ang maayos nitong operasyon.
Bilang dagdag na hakbang, dodoblehin ng LRMC ang dalas ng inspeksyon sa ACU drain valve—mula sa bawat 10,000 kilometro ay magiging bawat 5,000 kilometro na.
Plano rin ng kumpanya na palitan ang mga valve sa buong LRT-1 fleet upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.
Nag-viral sa social media noong Miyerkules, Agosto 26, ang video ng water leak sa tren, kung saan ilang netizen ang nagbiro na tila umabot na rin sa loob ng tren ang problema sa pagbaha sa bansa. RNT/MDS