Cargo ships, including bulk carriers and general cargo vessels, sit at anchor offshore as a small motorboat passes in the foreground, in the Strait of Hormuz off Bandar Abbas, Iran, Monday, May 4 , 2026.(Amirhosein Khorgooi/ISNA via AP)
TEHRAN, Iran — Tinamaan ng isang “unknown projectile” ang isang tanker sa Strait of Hormuz ngayong linggo, na nagdulot ng sunog na agad namang naapula, ayon sa United Kingdom Maritime Trade Operations (UKMTO) nitong Huwebes.
Nangyari ang insidente malapit sa coastal city ng Khasab, Oman, at iniulat sa UKMTO noong Martes.
Ayon sa ahensya, walang nasugatan o namatay sa mga crew at wala ring naiulat na epekto sa kapaligiran. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente.
Hindi tinukoy sa ulat ang nasyonalidad ng tanker o kung saan ito patungo.
Nangyari ang insidente habang nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa Strait of Hormuz. Ayon sa ulat, epektibong hinaharangan ng Iran ang ruta mula nang salakayin ito ng United States at Israel noong huling bahagi ng Pebrero.
Iniulat din na nais ng Tehran na maningil ng toll sa mga barkong dumadaan sa Strait of Hormuz at nakapagsagawa na ito ng mga pag-atake laban sa mga barkong inaakusahan nitong umiiwas sa rutang itinakda nito.
Samantala, inihayag ni US Treasury Secretary Scott Bessent nitong Lunes ang mga plano para sa tinawag niyang “economic asphyxiation” ng Iran sa pamamagitan ng mga bagong hakbang laban sa bansa.
Sinabi naman ni Iranian President Masoud Pezeshkian nitong Miyerkules na walang makakamit ang bagong sanctions ng US. RNT/MDS