Home TOP STORIES Higit 200 barko ng China, namataan sa paligid ng Taiwan

Higit 200 barko ng China, namataan sa paligid ng Taiwan

1
0

TAIWAN — Umabot sa record na 244 barko ng China ang namataan sa paligid ng Taiwan noong Hulyo, ayon sa Taiwan Coast Guard. Katumbas ito ng halos walong barko bawat araw at mas mataas kumpara sa 55 noong Hunyo, 30 noong Mayo, at 58 noong Hulyo 2025.

Sa unang 21 araw ng Agosto, 152 barko na rin ang namataan. Tinatayang 60% sa mga ito ay Chinese coast guard vessels, habang ang iba ay research vessels at iba pang government ships. Hindi kabilang sa bilang ang mga barkong pandigma ng China na halos araw-araw ding nakikita sa paligid ng Taiwan.

Ayon sa Taiwan Coast Guard, 1,247 Chinese vessels na ang namataan sa paligid ng Taiwan at mga kalapit nitong isla mula Mayo.

Sinabi ng mga opisyal na nagiging mas seryoso ang sitwasyon dahil sa patuloy na pagdami ng mga barko ng gobyerno ng China sa karagatan ng Taiwan.

Bukod sa coast guard vessels, mas dumami rin ang mga Chinese research ship sa paligid ng Taiwan. Ayon sa mga analyst, maaaring ginagamit ang mga ito upang mangalap ng oceanographic at seabed data na maaaring makatulong sa anti-submarine warfare.

Isa sa mga barkong binabantayan ng Taiwan ay ang Tong Ji, na umikot sa Taiwan noong Mayo at nagsagawa umano ng oceanographic sampling at seabed surveys.

Sinabi naman ni Ryan D. Martinson, eksperto sa maritime strategy ng China mula sa US Naval War College, na ang mga datos na kinokolekta ng Chinese research vessels ay maaaring ibahagi sa military at maging mahalaga sa submarine operations sakaling magkaroon ng conflict.

Napansin din niya ang malaking pagdami ng Chinese research vessels, lalo na sa silangang bahagi ng Taiwan, at sinabi niyang hindi bago ang ganitong taktika ngunit “the scale of these operations around Taiwan is unprecedented.”

Samantala, sinabi ng Taiwan Coast Guard na may mga pagkakataong magkatuwang na umaandar ang Chinese research vessels at coast guard ships.

Noong Agosto, namataan ang Chinese research vessel na Xiang Yang Hong 03 na kumikilos sa loob ng exclusive economic zones ng Taiwan at Japan. Ayon kay Jason Wang ng ingeniSPACE, sinamahan ito ng Chinese coast guard ship at isang fishing boat na bahagi umano ng maritime militia ng China.

Ayon kay Wang, maaaring layunin ng operasyon na mangalap ng bagong hydrographic data sa Ryukyu Trench at East Taiwan Trench para sa anti-submarine warfare at upang hadlangan ang US at mga kaalyado nito na gawin ang katulad na operasyon.

Patuloy namang inaangkin ng China ang Taiwan at ang karagatan sa paligid nito, habang hindi pa kailanman napamahalaan ng Communist Party of China ang Taiwan.

Ayon kay Martinson, ang sunod-sunod na hakbang ay nagpapakita ng “clear escalation” sa pagsisikap ng Beijing na igiit ang hurisdiksyon nito sa mga katubigan ng Taiwan, dagdag na pressure sa pamahalaan nito at paghamon sa soberanya ng isla. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here