MANILA, Philippines — Lumabas sa unang Multidimensional Poverty Index (MPI) ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 12.8% ng mga Pilipino ang nakaranas ng tinatawag na multidimensional poverty noong 2024.
Sinusukat ng MPI ang kahirapan hindi lamang batay sa kita, kundi pati sa kakulangan sa edukasyon, kalusugan at nutrisyon, pabahay, tubig at sanitasyon, at trabaho.
Ayon sa PSA, ipinapakita ng MPI na bukod sa kakulangan sa pera, maraming Pilipino ang nakararanas ng magkakasabay na kakulangan sa mga pangunahing pangangailangan.
Batay sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS), 12.8% ng kabuuang populasyon ang kabilang sa mga sambahayang itinuturing na multidimensionally poor.
Sinabi naman ni Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na ipinapakita ng MPI na ang kahirapan ay hindi lamang tungkol sa kinikita ng isang tao, kundi pati sa access nito sa mahahalagang serbisyo.
Samantala, ipinakita ng 2025 full-year poverty statistics ng PSA na bumaba sa 9.7% ang poverty incidence sa bansa noong 2025, mula 15.5% noong 2023. Dahil dito, tinatayang 6.5 milyong Pilipino ang nakaahon sa kahirapan.
Bumaba rin mula 17.5 milyon noong 2023 tungo sa 11 milyon noong 2025 ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold, na nasa P14,634 kada buwan para sa pamilyang may limang miyembro.
Sa MPI, edukasyon ang lumitaw na pinakamalaking hamon. Marami sa mga nasa edad 19 pataas ang hindi nakatapos ng high school.
Malaking problema rin ang pabahay, tubig at sanitasyon, partikular sa mga pamilyang nakatira sa makeshift housing at walang sapat na access sa pangunahing serbisyo.
Ayon kay Balisacan, gagamitin ang mga resulta ng MPI upang mas matukoy kung saan pinakamalaki ang pangangailangan at kung aling mga programa ng pamahalaan ang dapat palakasin.
Kabilang sa mga hakbang na binanggit niya ang adult literacy programs, abot-kayang pabahay, public-private partnership projects, pagpapalawak ng “Walang Gutom Kitchens,” pagpapalakas ng food production at distribution, universal healthcare, at iba pang programa para mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino. RNT/MDS