MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , Araw ng Huwebes, Agosto 27, na patuloy na pinalalawak ng pamahalaan ang Free Higher Education, na ngayon ay pinakikinabangan ng 2.62 milyong estudyante.
Sa kanyang talumpati sa 58th Commencement Exercises ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City,
Sinabi ng Pangulo na patuloy rin ang mga scholarship at financial assistance program tulad ng Tertiary Education Subsidy (TES) at Tulong Dunong Program upang matulungan ang mas maraming kabataan na makapagtapos ng pag-aaral.
Bukod dito, inilunsad din ng pamahalaan ang Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program para sa mga natatanging senior high school graduates na kukuha ng iba’t ibang degree program.
Patuloy din ang pagpapalakas ng technical-vocational education and training sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Ang bawat Pilipinong nakapagtatapos ng higher education o technical-vocational training ay higit pa sa diploma o sertipikong kanilang nakukuha,” ayon kay Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang edukasyon ay nagbibigay ng mas magandang pagkakataon sa buhay, hindi lamang para sa isang tao kundi pati sa kanyang pamilya.
“Ito ang tunay na bunga ng edukasyong mas abot-kamay, de-kalidad, at nagbibigay sa bawat Pilipino ng pagkakataong makamit ang mas magandang kinabukasan,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi ng Pangulo na nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act upang mas maraming Pilipino, lalo na ang mula sa mahihirap at vulnerable na sektor, ang magkaroon ng access sa libreng kolehiyo at technical-vocational training.
Binigyang-diin din ng Pangulo na hindi sapat na makapasok lamang sa kolehiyo ang mga estudyante. Kailangan din silang mabigyan ng sapat na suporta upang makapagtapos.
Hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang mga nagsipagtapos sa PLM na gamitin ang kanilang kaalaman para makatulong sa bayan.
“Kaya sa ating mga nagsipagtapos: Nawa’y gabayan ng karunungan ang inyong pagkatuto, masukat ang inyong tagumpay sa mga buhay na inyong napabuti, at maiukol ang inyong mga tagumpay sa pag-unlad ng ating bansa,” ayon kay Pangulong Marcos.
Kaya ang paalala din ng Pangulo sa mga nagsipagtapos ay “Saan man kayo dalhin ng buhay, manatili kayong tapat sa mga prinsipyo ng unibersidad na ito at gamitin ang inyong natutuhan upang makatulong sa pagbuo ng mas matatag, mas maunlad, at mas makataong Pilipinas,” ayon kay Pangulong Marcos. (KRIS JOSE)