Home HOME BANNER STORY Zambo school shooting, walang koneksyon sa online group – DILG

Zambo school shooting, walang koneksyon sa online group – DILG

1
0

MANILA, Philippines — Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na walang nakitang matibay na ebidensiya na nag-uugnay sa isang marahas na online group sa teenage gunman sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) noong Agosto 18.

Sa pagdinig ng House appropriations committee tungkol sa budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), tinanong ni Akbayan party-list Rep. Dadah Kiram Ismula si Remulla kung may impluwensiya ang True Crime Community, partikular ang tinatawag na 764 movement, sa suspek.

“There is no conclusive link that the group influenced the boy into his actions,” sagot ni Remulla.

Nauna nang nabanggit ang True Crime Community at 764 sa isang operasyon kung saan nailigtas ang hindi bababa sa 24 menor de edad na umano’y nalantad sa coercion, self-harm at karahasan.

Ayon kay Remulla, nakita rin sa search history ng gunman ang mga website na umano’y nagtataguyod ng poot laban sa mga Hudyo at LGBT community.

Sinabi niyang may mga website na nagpo-promote ng Satanism, nihilism, anti-Semitism at anti-LGBT na pananaw at naghihikayat umano sa mga bata na kumilos batay rito.

Bagama’t walang napatunayang direktang koneksyon sa Zamboanga shooting, hinimok ni Remulla ang pamahalaan na aksyunan at ipasara ang mga mapanganib na website upang hindi maimpluwensiyahan ang mga bata.

Giit niya, hindi umano ito censorship kundi pag-filter sa mga mapanganib na site.

Samantala, sinabi ng PNP na natapos na nito ang imbestigasyon sa pamamaril at isinumite na ang buong ulat kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Ayon sa PNP, walang ebidensiyang bahagi ng isang conspiracy o organisadong grupo ang insidente. Wala rin umanong natukoy na sapat na school-related o personal na dahilan na maaaring magpaliwanag sa pamamaril.

Gayunman, natukoy ng mga imbestigador ang paunang paghahanda at exposure sa violent online material bilang ilan sa mga pangyayaring may kaugnayan sa insidente.

Sa pamamaril, isang Grade 10 student at ang teenage gunman ang namatay, habang isa pang Grade 10 student ang nasugatan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here