Home HOME BANNER STORY CIF rules, ‘di problema kung mga opisyal tapat na sumusunod – Malakanyang

CIF rules, ‘di problema kung mga opisyal tapat na sumusunod – Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na ang umiiral na mga tuntunin na namamahala sa confidential and intelligence funds (CIF) ay hindi magiging problema kung ang mga opisyal ay tapat na sumusunod, habang kinokonsidera ng Commission on Audit (COA) ang pag-amiyenda sa mga alituntunin sa kanilang paggamit.

Sinabi ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang matapos banggitin ng COA ang plano nito sa isinagawang House budget hearing na amiyendahan ang umiiral na patakaran sa paggamit ng confidential at intelligence funds kasunod ng mga usapin na lumutang sa panahon ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Castro na ang rules o patakaran ay malinaw at ang problema ay lumutang nang ang mga tao ay desperadong naghanap ng paraan para iwasan ang mga ito.

“Kung kayo naman po ay susunod sa polisiya at sa rules, at wala naman kayong balak na manloko para sa pondo at ito naman lahat ay gagamitin ninyo para sa ikaaangat at para sa interes ng bayan at taumbayan, hindi naman problema iyong rules,” ani Castro.

Winika ni Castro, ang mga opisyal na nagtangka na maling gamitin ang pondo ay maaaring makahanap ng paraan sa rules na hindi alintana kung paano ang guidelines ay isinulat.

“Nasa tao iyan,” ayon kay Castro.

“Pero dahil sa may mga taong may balak na gamitin ang kanilang katalinuhan, ang kanilang knowledge or skills para mapaikot ang rules, doon nagkakaroon ng problema,” aniya pa rin.

Tinuran pa ni Castro na “Executive would respect whatever decision Congress makes on the budget, including allocations for CIF received by the Office of the President.”

Ipipresenta naman ng Ehekutibo ang budget at hangad na makapagbigay ng kinakailangang justification, subalit ang final decision ay ipinauubaya na sa mga mambabatas.

“Ang power of the purse ay nasa kamay po ng Kongreso,” ang sinabi ni Castro.

“Kung ano po ang magiging desisyon ng Kongreso para sa budget ay ito po naman ay kanilang mandato,” aniya pa rin.

Tinukoy naman ni Castro ang Joint Memorandum Circular 2015-01, “which provides that supporting documents containing sensitive information may be placed in a sealed envelope and stored in an agency vault.”

“Hindi naman po agad nire-reveal kung sino iyong mga informant or informer,” ayon kay Castro.

“Kaya nga po mayroong probisyon doon na iyong mga supporting documents ay ilalagay sa sealed envelope at ilalagay sa vault ng ahensiya,” aniya pa rin.

Sinabi pa ni Castro na maaaring ilabas ang mga dokumento kung ang pagkukuwestiyon ay magmumula sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) o COA, na aniya’y may mandato na protektahan ang pagkakakilanlan ng mga taong sangkot sa audit nito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here