MANILA, Philippines – Naglaan ang pamahalaan ng P1 bilyon sa University of the Philippines (UP) System upang palakasin ang Project NOAH at makatulong sa mas maagang pagtukoy sa panganib ng baha at iba pang sakuna.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) na ilabas ang pondo para sa pagpapalakas ng proyekto gamit ang artificial intelligence (AI), real-time hazard monitoring at flood forecasting.
Sa kabuuang pondo, P935 milyon ang para sa research services habang P65 milyon naman ang para sa project management at administration. Gagamitin din ito para sa mga kinakailangang kagamitan, teknolohiya at mga eksperto.
“Makakatulong din ang programa upang mas maagang makapaghanda at makakilos ang pamahalaan bago pa lumala ang sitwasyon,” ani Castro.
Sa pamamagitan ng AI-enhanced modeling, LiDAR (Light Detection and Ranging) mapping at data analytics, makapagbibigay ang Project NOAH ng real-time na impormasyon at prediksyon tungkol sa posibleng pagbaha at iba pang panganib.
“Sa pamamagitan ng A-I enhanced modeling, LiDAR mapping at data analytics, makapagbibigay ang project NOAH ng real-time na impormasyon at mga prediksyon tungkol sa posibleng pagbaha at iba pang sakuna,” dagdag ni Castro.
Inaasahang makatutulong ang proyekto sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang mas mabilis at mas maayos silang makapagdesisyon, lalo na bago dumating o lumala ang mga sakuna.
Layunin din nitong palakasin ang disaster preparedness at prevention, sa halip na umasa lamang sa pagtugon kapag nangyari na ang sakuna. (KRIS JOSE)