COTABATO CITY — Isang construction worker ang patay habang dalawa ang sugatan sa magkahiwalay na pamamaril sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Huwebes, Agosto 27, habang umiiral ang election gun ban sa rehiyon.
Naganap ang mga insidente sa bayan ng Pahamuddin sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM at sa Sultan Mastura, Maguindanao del Norte.
Base sa Pahamuddin municipal police, kinilala ang nasawi na si Farhan Endaw Lidasan, 31, residente ng Barangay Alamada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Sugatan naman sa binti ang kasama niyang si Laudan Apongan Untong, 30, isang welder mula Barangay Tubon, Pigcawayan, Cotabato.
Sakay umano ng motorsiklo ang dalawa patungong Pigcawayan dakong alas-2 ng hapon nang pagbabarilin sila ng dalawang lalaking magkaangkas sa isa pang motorsiklo.
Tinamaan sa ulo at katawan si Lidasan at nasawi sa lugar, habang nasugatan si Untong.
Sa hiwalay na insidente sa Barangay Tambu, Sultan Mastura, binaril naman ang 40-anyos na construction worker na si Abdulkhabir Sharifah habang sakay ng motorsiklo patungong Cotabato City dakong alas-10 ng umaga.
Ayon sa paunang ulat, isang armadong sakay ng sasakyan ang nagpaputok kay Sharifah. Hindi pa inilalabas ang motibo sa pag-atake at pagkakakilanlan ng salarin.
Nauna nang iniulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na 43 gun-related incidents ang naitala sa rehiyon hanggang Agosto 25, kung saan 14 ang nasawi at walo ang sugatan.
Umiiral ang Comelec gun ban sa BARMM mula Hulyo 16 hanggang Setyembre 29 bilang bahagi ng seguridad para sa parliamentary elections sa Setyembre 14. Ipinagbabawal ang pagdadala ng baril at iba pang deadly weapons sa pampublikong lugar maliban sa mga may pahintulot o exemption mula sa Comelec.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa dalawang pamamaril. Mary Anne Sapico