Home NATIONWIDE Higit 10K sundalo ikakalat sa Sept. 14 BARMM polls

Higit 10K sundalo ikakalat sa Sept. 14 BARMM polls

1
0

MANILA, Philippines — Mahigit 10,000 sundalo ang ikinalat sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa parliamentary elections sa Setyembre 14.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nasa 10,031 military personnel ang nakatalaga sa iba’t ibang election areas sa rehiyon.

Inilahad ni Philippine Army chief Lt. Gen. Donald Gumiran ang security preparations ng militar sa Regional Security Conference kasama ang Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) sa Maguindanao del Norte nitong Miyerkoles, Agosto 26.

Kabilang sa augmentation forces ang mga yunit mula sa 28th Infantry Battalion, 1st Scout Ranger Battalion, 1st Brigade Combat Team, Civil Military Operations Regiment at 75th Infantry Battalion.

Nauna nang pinahintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng Memorandum Order No. 48 ang deputation ng AFP, PNP at iba pang ahensya ng gobyerno upang tumulong sa Comelec sa pagtiyak ng mapayapa, maayos at kredibleng halalan. Nilagdaan ang kautusan noong Hulyo 1.

Tiniyak naman ni AFP chief of staff Gen. Antonio Nafarrete ang buong suporta ng militar sa Comelec at iba pang ahensyang nangangasiwa sa seguridad ng halalan.

“To our Comelec and all our partners, you have the full support of the Armed Forces of the Philippines,” ani Nafarrete.

Nagsimula noong Hulyo 16 ang election period para sa BARMM polls at magtatagal hanggang Setyembre 29. Kasabay nito ang gun ban na nagbabawal sa pagdadala o pagbibiyahe ng mga baril at iba pang deadly weapons maliban kung may pahintulot mula sa Comelec.

Ang Setyembre 14 ay idineklara ring special non-working day sa BARMM upang mabigyan ng pagkakataon ang mga botante na makilahok sa unang regular parliamentary elections ng rehiyon. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here