MANILA, Philippines — Mahigit 3.579 milyong family food packs (FFPs) ang naka-preposition na sa mga warehouse ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong bansa habang patuloy na binabantayan ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility.
Ayon sa DSWD Disaster Response Operations Monitoring, Information and Communication report nitong Huwebes, Agosto 27, nasa 214,795 food packs ang nakaimbak sa Luzon Disaster Resource Center sa Pasay City, habang 559,475 naman ang nasa Visayas Disaster Resource Center sa Mandaue City.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na tuloy-tuloy ang produksyon at repacking ng relief supplies upang matiyak na may sapat na ayuda sakaling lumala ang epekto ng masamang panahon.
“Sinisiguro po natin na nakahanda ang DSWD at sapat ang aming stockpile dahil hindi kami tumitigil sa pagre-repack ng ating FFPs,” ani Dumlao.
Patuloy ang repacking operations sa Pasay City hanggang gabi sa tulong ng mga kawani, volunteers at cash-for-work beneficiaries. Tuloy rin ang production at logistics operations sa Mandaue City.
Gumagamit na rin ang DSWD ng mechanized repacking systems at mga kagamitang gaya ng forklifts, wrapping machines, reach trucks at electric hand trucks upang mapabilis ang paghahanda at paggalaw ng relief goods.
Samantala, patuloy na nagdadala ng pag-ulan ang Habagat sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas. Ayon sa PAGASA, posibleng makaranas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang ilang lugar, na maaaring magdulot ng flash floods at landslides.
Sinabi ng DSWD na layunin ng patuloy na pag-iimbak at paggawa ng relief supplies na mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng mga susunod na weather disturbance. Santi Celario