MANILA, Philippines — Nais ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na palawakin ang kapangyarihan ng Philippine National Police (PNP) upang makapag-inspeksyon sa paraan ng pagtatago ng mga baril sa bahay ng mga legal firearm owners kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa panukalang 2027 budget ng DILG nitong Huwebes, Agosto 27, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nais nilang amyendahan ang implementing rules and regulations (IRR) ng firearms law upang mabigyan ng access ang PNP sa mga tahanan ng mga lisensiyadong gun owner para suriin ang kanilang safekeeping procedures.
“What we are proposing is that the IRR has to be amended… [so that] the PNP will be granted access to all homes of lawfully issued firearms to inspect their procedures in safekeeping,” ani Remulla.
Ayon sa kalihim, bibigyan muna ng abiso ang gun owner bago isagawa ang inspeksyon. Layunin umano nitong matiyak na ligtas ang pagkakatago ng baril at maipaalala sa mga may-ari ang tamang safekeeping practices.
Iginiit ni Remulla na sa dalawang kamakailang school shooting na kanilang tinutukoy ay nagkaroon umano ng problema sa paraan ng pagtatago ng mga baril.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kailangan nang magkaroon ng vault, lalagyang nakakandado o iba pang security measure ang mga lisensiyadong may-ari para sa kanilang mga baril. Gayunman, tahasang nakasaad sa batas ang inspection at bond requirements para sa Type 3 hanggang Type 5 license holders, na maaaring magkaroon ng 10 o higit pang rehistradong baril.
Ibig sabihin, ang nais ng DILG ay mas malawak na inspection mechanism na sasaklaw sa mga legal firearm owner, ngunit panukala pa lamang ito at hindi pa bagong umiiral na patakaran ng PNP.
Lumakas ang panawagan para sa mas mahigpit na gun regulation matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18. Kinasuhan na ng reckless imprudence resulting in homicide and physical injury ang ama ng estudyanteng sangkot at isang security personnel kaugnay ng insidente, ayon sa PNP.
Itinutulak din ni Remulla ang mas mabigat na parusa laban sa loose firearms at mas malinaw na pananagutan ng legal gun owners kapag napunta at nagamit sa krimen ang kanilang rehistradong armas.
Samantala, sinabi ni Remulla na maaaring mangailangan ng dagdag na kapasidad at pondo ang Bureau of Jail Management and Penology kung maisasabatas ang panukalang gawing non-bailable ang ilang paglabag kaugnay ng illegal firearms. Santi Celario