MANILA, Philippines — Target ng Department of Education (DepEd) na makapag-deploy ng 10,000 School Counselor Associates (SCA) sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa bago matapos ang taon upang palakasin ang mental health at psychosocial support para sa mga mag-aaral.
Ayon sa DepEd, pinabibilis na nito ang recruitment process, partikular sa mga paaralang may naitalang kaso ng bullying o mataas na pangangailangan sa mental health services.
As of Agosto 27, nasa 9,702 sa 10,000 SCA I positions na ang nai-post sa Agile Gateway for Appointments and Placements (AGAP), ang digital hiring platform ng DepEd.
Sa bilang na ito, 785 posisyon ang bukas para sa aplikasyon, 8,811 ang sumasailalim na sa assessment at 106 ang nasa appointment stage. Ang nalalabing 298 posisyon ay hinihintay pa ang Notice of Organization, Staffing and Compensation Action (NOSCA) o hindi pa nai-post.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na hindi lamang physical security measures ang kailangan upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan.
“Keeping our schools safe is not just about building fences or installing metal detectors. It is also about making sure our learners have trusted, caring adults to talk to whenever they are going through tough times,” ani Angara.
Pinaiikli rin ng DepEd sa 36 araw ang karaniwang hiring process para sa SCA kasunod ng pag-apruba ng Civil Service Commission sa qualification standards ng posisyon.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, inaatasan ang DepEd na magtatag ng school-based mental health programs at Care Centers, gayundin ang pagkuha ng School Counselors at School Counselor Associates.
Maaaring tumulong ang School Counselor Associates sa pagbibigay ng basic psychosocial support, mental health information at advocacy, monitoring ng pangangailangan ng mga mag-aaral at referral sa mga propesyonal kung kinakailangan. Nililinaw ng batas na ang counseling mismo ay dapat isagawa ng kwalipikadong School Counselor, o i-refer sa Schools Division Counselor kung SCA lamang ang mayroon sa paaralan.
Nakapaloob na rin sa 2026 national budget ang 10,000 School Counselor Associate I positions bilang bahagi ng pagpapalakas sa mental health support para sa mga mag-aaral.
Bukod sa unang 10,000 posisyon, humihiling pa ang DepEd ng karagdagang 5,000 SCA items sa pamamagitan ng pag-convert ng mga bakanteng guidance-related positions.
Nauna nang sinabi ni Angara na tinatayang nasa 48,000 School Counselor Associates ang kakailanganin upang magkaroon ng tig-isa sa bawat paaralan sa bansa, kaya ang kasalukuyang 10,000 hires ay bahagi pa lamang ng mas malawak na pangangailangan ng basic education system. Santi Celario