Home NATIONWIDE Estudyanteng nagpakilalang ‘shooter’ sa La Salle security threat, kilala na

Estudyanteng nagpakilalang ‘shooter’ sa La Salle security threat, kilala na

1
0

MANILA, Philippines — Isang estudyante ng La Salle Green Hills (LSGH) ang tinukoy na person of interest kaugnay ng online security threat na nagtulak sa paaralan sa Mandaluyong City na ilipat sa online ang mga klase nitong Huwebes, Agosto 27.

Ayon kay Mandaluyong City Police chief Col. Reynan Patam, nag-post umano ang estudyante online at tinukoy ang sarili bilang isang “shooter,” dahilan upang maalarma ang kapwa mga estudyante, kanilang mga magulang at kalaunan ay ang pamunuan ng paaralan.

Kinumpirma ng pulisya na estudyante ng LSGH ang person of interest ngunit hindi inilabas ang kanyang pangalan, grade level at iba pang personal na impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad kung totoo ang banta at kung may kakayahan o intensyon ang estudyante na isagawa ito.

Dahil sa insidente, inilipat ng LSGH sa synchronous online classes ang mga klase mula Preschool hanggang Grade 12, kabilang ang International Baccalaureate at Alternative Education, bilang precautionary measure.

Naglatag din ng karagdagang seguridad sa paligid ng campus habang nakikipag-ugnayan ang paaralan sa Philippine National Police at mga opisyal ng barangay.

Ayon sa Eastern Police District, tumutulong na rin ang Anti-Cybercrime Team sa pagberipika sa authenticity ng iniulat na online threat, habang inatasan ang Mandaluyong police na paigtingin ang police visibility sa paligid ng paaralan.

Tiniyak naman ng LSGH na ipinatupad na nito ang kinakailangang security measures at hiniling sa publiko na huwag magpakalat ng mga larawan at hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng karagdagang pangamba.

Maglalabas umano ang paaralan ng mga susunod na update sa pamamagitan lamang ng mga opisyal nitong platform. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here