Home OPINION HINDI ISTUPIDA SI GINA ACOSTA

HINDI ISTUPIDA SI GINA ACOSTA

2
0

SA pagtatapos ng testimonya ni Office of the Vice President Special Disbursing Officer Gina Acosta, malinaw na may mga problemang inilabas ang prosecution tungkol sa handling, documentation at liquidation ng confidential funds ng OVP, na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.

May mga napatunayang audit violations. Maaaring magresulta ang mga ito sa disallowance, reimbursement o administrative liability. Ngunit ang malaking tanong: sapat na ba ang mga ito para ma-convict si VP Sara sa impeachment trial?

Ayon sa prosecution, sapat na umano.

Kung ganoon, at talagang kumpiyansa silang mako-convict si VP Sara batay sa kanilang nailatag na ebidensiya, bakit hindi na nila tapusin ang kanilang presentasyon at isumite ang kaso for resolution? Makakatipid pa ang gobyerno sa gastos at matatapos na rin ang trial. At baka makapag-move on na ang bansa upang mas matutukan ang bilyun-bilyong pisong flood control scandal.

Pero alam ng prosecution na ang audit violations ay hindi automatic na katumbas ng corruption.

Kailangang mapatunayan na may naganap na korapsyon at, higit sa lahat, na may impeachable offense na ginawa si VP Sara.

“Pero malinaw naman,” sasabihin ng iba, “na sinabi ni Acosta na alam ni VP Sara ang proseso sa paggamit ng confidential funds.”

Sapat na ba iyon?

Alam ng prosecution na hindi sapat ang simpleng kaalaman sa proseso. Kailangan nilang patunayan na ang pondo ay nawaldas, kinurakot, binulsa o ninakaw—at may direktang kinalaman dito si VP Sara.

At hindi ang testimonya ni Gina Acosta ang awtomatikong makapagpapatunay niyan.

Kaya para sa akin, hindi “stupid” si Gina Acosta nang sabihin niyang wala siyang personal knowledge sa ilang bagay na itinatanong sa kanya. Mas mainam ang umaming hindi mo alam kaysa magsabi ng gusto lamang marinig ng nagtatanong.

Hindi tulad ng ilang naunang testigo na tila handang sumagot upang mapagbigyan ang direksyon gusto ng ilang senador-judge kahit wala naman silang personal knowledge.

Kaya sino ngayon ang tunay na “stupid” na testigo?

Kung sino ang may direktang kaalaman sa aktuwal na paggamit ng confidential funds, isa na rito si Col. Raymund Lachica. At sa kanyang pahayag, sinabi niyang handa siyang tumestigo upang sabihin ang katotohanan.

Kaya ang tanong: Ihaharap kaya siya ng prosecution bilang hostile witness?

O hihintayin siyang iharap ng depensa kapag panahon na ng defense evidence?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here