MARAMI ang tumatawag kay Senator-Judge Robin Padilla na “bobo.”
Aaminin ko, minsan ay nakikisakay na rin tayo sa ganitong pagtingin. Hindi kasi siya katulad ng ibang senador na abogado, matatas mag-English at sanay sa “legal jargon”. Pero sa mga huling interaksyon niya sa mga prosecutor sa impeachment trial, napahanga ako.
Oo, napahanga ako kay Sen. Robin Padilla.
Sa kanyang pagtatanong kay private prosecutor Atty. Mae Divinagracia tungkol sa paggamit ng mga alyas, may laman ang kanyang punto. Hindi lamang siya basta nagtatanong para makarinig ng sariling boses.
Binalikan niya ang kasaysayan. May mga bayani ng Katipunan na gumamit ng alyas—Dimasalang, Siling Labuyo, Maypag-asa, Magtalo at Leon Kilat. Binanggit din niya ang paggamit ng alyas ng mga miyembro ng New People’s Army upang mapanatiling lihim ang kanilang pagkakakilanlan at kilos.
Ang punto ni Padilla: hindi ba’t may mga pagkakataong ang paggamit ng alyas ay may lehitimong dahilan, lalo na kung may kinalaman sa seguridad at pagiging kumpidensyal?
May logic.
At dito ko lalo siyang napansin. Hindi niya kailangang gumamit ng malalalim na salitang Ingles para maipakita na naiintindihan niya ang isang isyu.
Samantala, may ilang senador naman na ang tatapang mang-insulto ng testigo. Kung makapagsabi ng “bobo” at “istupida,” wagas. Para bang ang pagmamaliit sa isang tao ang sukatan ng talino.
Pero teka, may isang bagay na hindi ko nagustuhan sa sinabi ni Senator Padilla. Ang pahayag niyang hindi dapat maging one-sided o biased ang prosecution.
Hindi po, Senator.
Natural na may panig ang prosecution. Sila ang nagsasakdal. Ang kanilang trabaho ay patunayan ang kasong isinampa. Ang depensa naman ang panig ng idinedemanda.
Hindi dapat neutral ang prosecution sa argumento—pero dapat tapat sila sa ebidensya.
Hindi rin dapat magsinungaling o magtago ng katotohanang mahalaga sa kaso. Iyan ang fairness na hinihingi ng proseso.
Kaya heto ang aking maliit na pakurot: Robin Padilla, hindi pala bobo. May punto at may laman din pala ang pagtatanong.
Pero sa prosecution, Senator, may panig talaga sila. Ang tanong ay kung sapat ang kanilang ebidensya.
At para naman sa ibang senator-judges, baka pwedeng bawasan ang “bobo” at “istupida.”
Dahil ang pag-insulto ay hindi ebidensiya—at lalong hindi sukatan ng talino.






