Home METRO Trayk driver na natutulog, tigok sa bumagsak na acacia sa Ilocos Sur

Trayk driver na natutulog, tigok sa bumagsak na acacia sa Ilocos Sur

2
0

ILOCOS SUR — Patay ang isang 45-anyos na tricycle driver matapos mabagsakan ng malaking puno ng acacia habang natutulog sa kanyang sasakyan sa Sta. Maria, Ilocos Sur.

Nangyari ang insidente dakong alas-3 ng hapon noong Agosto 24 sa Innanus TODA Parking Area sa Dakota Street, Barangay Poblacion Sur.

Ayon kay Police Lt. Jenson Refuerzo, officer-in-charge ng Sta. Maria Municipal Police Station, sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, napansin ng ilang tricycle driver na unti-unting bumabagsak ang puno kaya sinigawan nila ang mga tao sa lugar na lumayo.

Hindi umano narinig ng biktima ang babala dahil natutulog ito sa loob ng kanyang tricycle.

Bumagsak ang buong puno sa sasakyan at nagtamo ang biktima ng matinding traumatic injuries na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Isa pang tricycle ang nasira sa insidente.

Rumesponde sa lugar ang pulisya kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection at municipal engineering office.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na lumambot ang lupa dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan kaya nabunot ang puno. Ayon kay Refuerzo, hindi naman malakas ang hangin nang mangyari ang insidente.

Tinatayang nasa 70 hanggang 80 taon na rin umano ang naturang puno ng acacia, isa pang salik na sinusuri kaugnay ng pagbagsak nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here