MANILA, Philippines — Suportado ng Philippine Commission on Women (PCW) ang panukalang alisin sa Anti-Rape Law ang probisyong maaaring magpawalang-bisa sa criminal liability o parusa sa rape dahil sa kasunod na kasal o pagpapatawad ng asawa.
Sa pahayag nitong Huwebes, Agosto 27, sinabi ng PCW na sinusuportahan nito ang House Bill No. 10099, na naglalayong ipawalang-bisa ang Article 266-C ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law of 1997.
Sa kasalukuyang batas, maaaring mapawalang-bisa ang criminal action o parusa kapag nagkaroon ng valid marriage ang rape offender at biktima. Sa kaso naman ng marital rape, maaari ring mawala ang criminal action o parusa kapag pinatawad ng asawa ang kanyang mister, maliban kung void ab initio ang kanilang kasal.
“There is no place in a just society for a law that allows criminal accountability for rape to be erased through marriage,” ayon kay PCW Chairperson Ermelita Valdeavilla.
Iginiit ng PCW na maaaring magamit ang naturang probisyon upang pilitin o hikayatin ang rape survivor na pakasalan ang gumawa ng krimen upang makaiwas ito sa pananagutan.
Ani Valdeavilla, hindi dapat ituring na pribadong kompromiso ang rape dahil isa itong krimen laban sa tao.
Matagal nang isinusulong ng PCW ang pagtanggal sa “forgiveness clause,” kasabay ng panawagang gawing mas nakasentro sa malinaw at malayang consent ang batas laban sa rape.
Ayon pa sa ahensya, nakapagtala ang Philippine National Police ng 1,842 kaso sa ilalim ng Anti-Rape Law noong 2025.
Kabilang ang repeal ng Article 266-C sa Women’s Priority Legislative Agenda ng PCW, na nagsabing mahalaga ito upang maitugma ang batas sa Magna Carta of Women at sa mga obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng UN Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination against Women.
Nanawagan ang PCW sa Senado at Kamara na bigyang-prayoridad ang pagpasa ng HB 10099 upang alisin ang naturang probisyon sa batas. RNT