MANILA, Philippines — Aabot sa 10,000 TUPAD workers ang ide-deploy para tumulong sa paglilinis ng mga estero, kanal at iba pang waterways sa Metro Manila bilang bahagi ng flood mitigation efforts ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nilinaw ni MMDA General Manager Nicolas Torre III na staggered ang deployment at hindi sabay-sabay na 10,000 manggagawa ang ipapadala sa mga lugar.
“Ten thousand slots ang ibinigay sa amin, at staggered naman ang deployment. Hindi naman 10,000 kaagad ’yan sa isang bagsakan lang,” ani Torre.
Ang mga manggagawa ay mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE), habang MMDA ang mangangasiwa sa kanilang deployment at trabaho.
Nakapaloob ang programa sa kasunduan ng DOLE at MMDA na nilagdaan noong Hulyo 1 at suportado ng P220 milyong TUPAD budget para sa 10,000 emergency employment slots. Layunin nitong palakasin ang Bayanihan sa Estero at paglilinis ng drainage systems bago at habang panahon ng tag-ulan.
Isasama ang TUPAD workers sa regular personnel ng MMDA upang mabigyan sila ng technical guidance at masiguro ang kanilang kaligtasan habang nagsasagawa ng clearing operations.
Unang pagtutuunan ang mga lugar na nangangailangan ng dagdag na manpower sa paglilinis ng waterways.
Patuloy din ayon sa MMDA ang dredging operations sa Las Piñas-Parañaque River hanggang bahagi ng Muntinlupa upang matugunan ang pag-ipon ng banlik na nagpapababaw sa daluyan ng tubig.
Sinabi ni Torre na tatlong bagay ang tinitingnan ng MMDA sa pagsusuri ng flood mitigation operations: lawak ng binahang lugar, lalim ng tubig at bilis ng paghupa nito.
Nauna nang magsimulang mag-deploy ng TUPAD beneficiaries para sa programa noong Hulyo. Sa Parañaque, halimbawa, 57 manggagawa ang naitalang tumulong sa clearing operations sa Baclaran-Redemptorist Water Channel noong Agosto. Dave Baluyot