MANILA, Philippines – Bakit hindi na lamang i-defund o tanggalan ng pondo ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na patuloy na “nonperforming,” sa halip na bawasan lamang ang kanilang subsidiya, para masulit ng gobyerno ang limitadong resources nito?
Iminungkahi ito ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes nang tanungin niya ang mga economic manager ng gobyerno tungkol sa polisiya nito sa mga GOCC na patuloy na tumatanggap ng subsidy taun-taon kahit na walang kinikita o kakaunti o halos walang naibibigay na serbisyo.
“What is the new policy of the government sa nonperforming GOCC? Ito ang year in year out sina-subsidize ng national government pero mukhang wala namang pakinabang. Unlike the others nakakuha tayo from GOCCs, pero iba naman talagang persistently walang income, lahat expenses, walang revenues pero tuloy-tuloy naman ang subsidies,” aniya sa Development Budget Coordinating Committee briefing sa Senado.
“Why don’t we just abolish them, or not fund them for that matter? Even if it’s not abolished by law, kung walang fund, hindi maka-function,” dagdag niya.
Sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na pinag-aaralan ng Governance Commission for GOCCs ang pagsasara, pag-phase out o pagsanib sa ibang GOCC ng 21 GOCCs, bagama’t “very slow, long and tedious” ang proseso.
Dagdag naman ni Budget Secretary Kim Robert de Leon, pinag-aaralan din nila ang pagbibigay ng separation incentives sa mga personnel na maaaring maapektuhan.
Tinanong ni Lacson kung magkano ang taunang subsidy ng national government sa mga nonperforming GOCC, partikular mula 2022 hanggang 2026, at binigyang-diin na dapat itong pagtuunan ng pansin dahil sa masikip na fiscal space ng bansa.
“I understand the complexities, kasi may ma-displace na staff, mga personnel manning those GOCCs. Ano plano in case we abolish them? Ano ang contingency plans? They are government employees. Maybe that’s one of the reasons why you are finding difficulty in abolishing ibang GOCCs, for humanitarian. Pero we cannot also afford to consider humanitarian reasons in view of the very tight fiscal space that we’re having now,” ani Lacson. Ernie Reyes






