Walong pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang lamunin ng apoy ang kani-kanilang mga kabahayan na nagkakahalaga ng P2.5 milyon sa naganap na dalawang sunog sa Taguig City nitong nakaraang Miyerkules, Agosto 26.
Ayon sa Taguig City Fire Station, unang sumiklab ang apoy bandang alas-3:42 ng hapon sa Purok 1, Barangay New Lower Bicutan, kung saan tinupok nito ang barracks ng Philippine Army Finance Center Transport Services Cooperative.
Itinaas ng mga bumbero sa unang alarma ang insidente alas-3:51 ng hapon bago idineklarang naapula ang apoy alas-4:38 ng hapon.
Dalawang gusali ang nasira, 12 katao ang naapektuhan, at umabot sa ₱2 milyon ang halaga ng pinsala habang kasalukuyang niimbestigahan pa ang sanhi ng sunog.
Sa naturang sunog ay walong fire truck, 23 volunteers at local government groups, at isang ambulansya ang rumesponde sa insidente.
Naganap naman ang ikalawang sunog bandang alas-5:19 ng hapon na sumiklab sa Macapagal Street, Zone 6, Barangay South Signal.
Base sa inisyal na report, nagsimula ang apoy sa ikatlong palapag ng isang apat na palapag na residential building dahil sa nasusunog na mga basura.
Itinaas ng mga bumbero sa unang alarma ang sunog alas-5:32 ng hapon at idineklarang naapula alas-6:06 ng gabi.
Nagdulot naman ang ikalawang sunog ng tinatayang ₱500,000 halaga ng pinsala at naapektuhan ang apat na pamilya o 23 katao.
Walong fire truck, 14 volunteer groups, at isang ambulansya ang rumesponde na nagtulong-tulong para maapula ang mga nasusunog na ari-arian. (James I. Catapusan)