Home OPINION ALIAS, ‘NON-ISSUE’ SA IMPEACHMENT?

ALIAS, ‘NON-ISSUE’ SA IMPEACHMENT?

1
0

GAANO ba kabigat o kahalaga ang usaping paggamit ng “ALIAS” sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte?

Para kay prosecution Atty. Mae Divinagracia, “non-issue” o walang halaga ito sa pagsusulong nila ng mga kaso para tanggalin sa pwesto si VP Sara at kalaunan ay kakasuhan at ikukulong at aalisan ng karapatang muling humawak ng anomang posisyon sa gobyerno.

Hindi kaya alam ni Divinagracia na ginagamit ng kanyang panel o kasamahan ang alias bilang malaking sandata para patunayang personal na nilustay o pinakinabangan ni VP Sara ang mahigit P600 milyong confidential fund para sa Office of the Vice President at Department of Justice?

Sa katunayan, ibinabandila ng prosecution na isusunod nilang iprisinta ang mga taga-Philippine Statistics Authority para patunayang walang totoong tao na may pangalang Mary Grace Piattos at iba pang mga alias na pinagkagastusan ng confidential funds.

Lumitaw ang pagiging sablay ni Divinagracia sa usaping ito nang ilutang ni Senator-Judge Robin Padilla ang kahalagahan ng alias sa konteksto o sirkumstansya ng digmaan at isa itong mabisang proteksyon sa pamiminsala sa buhay.

Para kay Divinagracia, may digmaan man noong panahon ng Kastila, kaiba ito sa panloob na giyera ng Pinas sa pagitan ng NPA at gobyerno ngunit sinalag ni Padilla dahil pareho ang mga giyerang ito na “clear and present danger.”

Pinaka sa lahat ng konteksto ang paglilitaw ni Padilla ng Marcial Bonifacio na alias ni ex-Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na pinatay noong administrasyon ni ex-President Ferdinand Marcos Sr.

Nang tanungin si Divinagracia kung sakaling nagkaroon ng confidential fund si Ninoy para malaman kung may tangka sa kanyang buhay at makaligtas sa asasinasyon, naging malabo ang kanyang kasagutan at kabaligtaran ang sagot ng katunggali niyang si defense Atty. Kristine Ferrer.

Ngayong nakitang napakahalaga ang paggamit ng alias, mananatili pa rin kaya kay Divinagracia na kailangan ito para sa pagliligtas ng buhay sa halip na gamit sa personal na paglustay o pagbulsa ng confidential fund?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here