SA usaping trapiko, suklam na suklam tayo sa mga tinatawag na kamote rider at mga pasaway na driver ng public at private light vehicle. Pero hindi dapat doon nagtatapos ang kwento. May iba pang uri ng pang-aabuso sa batas trapiko na dapat nating bantayan at kabilang dito ang ilang jeepney, tricycle at truck driver.
May ilang jeepney driver na biglang humihinto sa gitna ng kalsada para magsakay o magbaba ng pasahero, sumisingit kahit alanganin, o bumibiyahe sa rutang hindi dapat. May ilan ding tricycle driver na pumapasok sa mga national road o pangunahing lansangan kahit may lokal na regulasyong nagtatakda ng kanilang ruta. Kabilang sa mga karaniwang paglabag na tinutukoy mismo ng Land Transportation Office ang pag-counterflow, paghihintay o pagparada malapit sa intersection at sidewalk, at hindi wastong pagkakarga o pagbabalanse ng pasahero at load.
Pero may isa pang problema na madalas hindi napagtutuunan ng pansin ng mga awtoridad lalo na kapag hatinggabi. May ilang truck na sige pa ring dumaraan sa maling ruta o pumapasok sa mga kalsadang may restriction. Hindi simpleng traffic violation lamang ito. Kapag mabigat at overloaded ang truck, maaaring mas mabilis masira ang concrete pavement, lalo na kung hindi ito idinisenyo para sa ganoong axle load.
Malinaw ang prinsipyo ng batas. Sa ilalim ng Republic Act 4136, may itinakdang permissible weights at axle loads para sa mga sasakyang gumagamit ng public highways. Samantala, ang mga patakaran kaugnay ng axle overloading ay nagpapataw ng penalty at maaaring hindi payagang magpatuloy ang sasakyang lumampas sa itinakdang limitasyon.
Kinikilala Department of Public Works and Highways na ang overloaded freight trucks at trailers ay nakapipinsala sa mga national road at tulay.
Kaya hindi lang kamote rider at light vehicle car driver ang dapat bantayan. May kamote jeepney driver, kamote tricycle driver, at kamote truck driver din.
Ang kalsada ay hindi pag-aari ng sinomang motorista. Kaya ang tamang solusyon ay hindi selective enforcement kundi pantay na pagpapatupad ng batas mula sa motorsiklo hanggang sa pinakamalaking truck. Kung patas at consistent ang pagpapatupad ng batas-trapiko, sigurado ang proteksyon ng publiko at maiiwasan ang pagkasira ng mga dinadaanang kalsada.






