MANILA, Philippines – Nagdeklara na ng state of calamity ang apat na munisipalidad at isang lungsod sa Pangasinan dahil sa epekto ng masamang panahon dulot ng Habagat, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Biyernes, Agosto 28.
Sa panayam sa radyo, tinukoy ni Vincent Chiu, operations at training unit head ng PDRRMO, ang mga lokal na pamahalaang ito na munisipalidad ng Mangatarem, Bugallon, Sta. Barbara at Mangaldan, maging ang Dagupan City.
Nananatili sa Blue Alert status ang Pangasinan dahil sa patuloy na epekto ng Habagat.
Nagpapatuloy naman ang clearing operations sa mga apektadong lugar sa tulong ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) beneficiaries at mga LGU.
Pansamantalang kumuha ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng 6,304 manggagawa sa ilalim ng cash-for-work program para tumulong sa post-disaster cleanup at rehabilitation sa mga apektadong komunidad.
Sa kabuuan ay may 2,581 manggagawa ang ipinakalat sa Western Pangasinan, 2,141 sa Central Pangasinan at 1,582 sa Eastern Pangasinan.
Inatasan ang mga ito na tumulong sa cleaning at clearing operations, ayon kay DOLE Ilocos Region Information Officer Jenny Mapile.
Sa kasalukuyan ay may siyam na barangay sa tatlong munisipalidad at isang lungsod ang nananatiling lubog sa baha ngunit wala nang mga tumutuloy sa mga evacuation center. RNT/JGC