Home OPINION PARTY-PARTY SA GITNA NG BAHA

PARTY-PARTY SA GITNA NG BAHA

1
0

HINDI na masukat ang galit ng taumbayan sa malawak na pagbaha sa Mega Manila at Gitnang Luzon sa ilang araw na pananalasa ng habagat. Halos buong buwan ng Agosto natin naranasan ang walang tigil na ulan.

Lumubog sa tubig at putik ang maraming kabahayan. Bahay ng mahirap o mayaman, lahat apektado.

Nasa Gitnang Luzon ang pinakamaraming flood control projects simula 2023 hanggang 2025, karamihan ay hindi natapos o sadyang wala. Nakasulat lang sa papel.

Kaya abot-langit na ang ngitngit at pagmumura ng mamamayan sa kanilang naiisip na pagpapabaya ng gobyerno. Kulang ang mura pero walang magawa ang mga tao.

Habang lunod sa baha ang marami nating kababayan, lumabas sa social media ang larawan at video na masayang umaawit sa entablado si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. Party-party pala iyon para sa birthday ni Unang Ginang Liza Araneta Marcos.

Kung sa bagay, sinabi ni BBM na ang kaarawan ng kanyang esposa ang “pinakamahalagang araw” sa kanyang kalendaryo.

Nagsasaya ang mga Marcos at ang kanilang mga bisita sa isang magarbong piging sa gitna ng masamang panahon na maraming Pilipino ay nagdurusa sa pananalasa ng baha na isinisisi sa pagnanakaw ng mga politiko at nasa gobyerno.

Hindi naman bawal mag-party o magsaya…pero sa gitna ng delubyo at trahedya? Aba’y sobra iyang kasuklam-suklam!

Manhid ba kayo? O sadyang normal na lang sa inyo ang kawalan ng pakialam sa mga Pilipino?

@@@

Napuno ng mga pasyenteng may leptospirosis ang ilang ospital ng gobyerno, lalo na ang San Lazaro Hospital sa Lungsod ng Maynila.

Naglagay na sila ng tent sa parking area para matanggap ang mga pasyenteng hindi pa naman gaanong malala.

Ang bakterya ng leptospira ay pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng mga mata, ilong at bibig, at kahit sa pamamagitan ng maliliit na gasgas sa balat na nalantad sa tubig na kontaminado ng ihi ng mga daga.

Pinayuhan ng mga eksperto ang publiko na huwag lumusong sa baha para hindi magkaroon ng nasabing sakit. Ang matagal na pagbaha ay nagdudulot din ng pagkalat ng dengue. Ano ang ating magagawa kung kahit saan ay may baha? Marami na itong perwisyong naidudulot sa ating buhay.

Ngunit ang mga buwayang politiko at mga nasa gobyerno ng administrasyong Marcos ay mga buhay pa rin. Kailan kaya sila mawawala sa mundong ibabaw?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here